ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 19, 2022
Dear Sister Isabel,
Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa mga kapitbahay ko.
Sobrang ingay nila, ang lakas-lakas ng boses kung mag-usap at madalas ay nagsisigawan pa. Magkalapit lang ang bintana namin sa kanila, kaya rinig na rinig namin ang ingay nila. Malakas din silang magpatugtog ng radyo at TV. Para silang manhid at walang pakialam sa damdamin ng kanilang mga kapitbahay.
Ano ang dapat naming gawin? Hindi naman namin sila masita dahil baka lalong mag-ingay at mang-away pa. Tahimik kaming tao at walang kaaway, lahat dito sa barangay ay kasundo namin at ayaw namin ng gulo. Sana ay mabigyan n’yo kami ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Dexter ng Caloocan City
Sa iyo, Dexter,
Daanin mo sa diplomasya, ibig sabihin, huwag mong awayin o sitahin. Bagkus, kausapin mo nang malumanay. Sabihin mo na kung maaari ay hinaan ang pagpapatugtog dahil may kasama ka sa bahay na nangangailangan ng ganap na katahimikan dahil may iniindang sakit at kailangang makatulog nang maayos. Siguro naman ay mahihiya sila kapag kinausap mo nang malumanay.
Sa ganyang paraan, pati pag-uusap nila ay gagawin na rin nilang hindi pasigaw at mag-iingat na silang mabulahaw kayo. Kung hindi sila magbabago at patuloy pa rin sa ugali nila, isumbong mo na sa barangay at sila ang bahalang makipag-usap sa kanila.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo