ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 16, 2023
Dear Sister Isabel,
Gusto kong magpasalamat sa inyo at muling humingi ng payo sa iba pang problema na dinaranas ko. Kung natatandaan n’yo, ako ‘yung nagtanong kung may alam kayong orasyon sa nawawalang bagay. Sinunod ko ‘yung orasyong ibinigay n’yo at bago matapos ang siyam na araw ay nakita namin ‘yung mga nawawalang OR. Maraming salamat dahil kung hindi namin nakita ‘yun, siguradong masususpinde kami ng kasama ko. Sa awa ng Diyos at sa tulong ng dasal sa Mahal na Poong Nazareno, mahimalang nakita namin ang mga nawawalang OR.
Samantala, gusto kong humingi ulit ng payo sa inyo tungkol sa anak ko na may cancer sa pancreas. May taning na ang buhay niya, pero hindi niya alam. Hirap na hirap na ang kalooban ko sa paglilihim sa kanya sa tunay niyang kalagayan. Patuloy din siyang namamayat at halos wala nang ganang kumain.
Sa palagay n’yo, tama ba ang aking ginagawang paglilihim tungkol sa kanyang kalagayan o mas makabubuting ipagtapat sa kanya ang katotohanan?
Sana ay mapayuhan n’yo ako kung ano ang dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Lourdes ng Sampaloc, Manila
Sa iyo, Lourdes,
Mabuti naman at nakita na ‘yung hinahanap n’yong OR at sa awa ng Diyos ay tumalab ‘yung dasal na ibinigay ko sa iyo.
Tungkol naman sa problema mo sa anak mo, hindi mo nabanggit kung ilang taon na siya. Kung hindi na siya bata o nasa hustong gulang na, makabubuting sabihin mo sa kanya ang tunay niyang kalagayan. Sabihin mo sa ito sa malumanay na pananalita na may halong pagmamahal at pang-unawa. Sa palagay ko ay matatanggap niya, anuman ang kanyang marinig sa iyo.
Marami na ngayong cancer survivors kaya hindi siya dapat nawalan ng pag-asa. Huwag kang magsasawa sa pagdarasal at tiyak na malalagpasan niya ang taning sa kanya ng doktor. Ipaunawa mo sa kanya ‘yan. Hindi lahat ng may cancer ay namamatay sa takdang panahon dahil may nakakaligtas din at humahaba pa ang buhay nang higit sa inaasahan.
Sa kabilang dako, alagaan mo ang iyong sarili. Pag-ukulan mo ng pansin ang iyong kalusugan dahil baka ikaw naman ang magkasakit at lalo pang lumala ang mga pangyayari. Umasa kang ipagdarasal din kita at ang iyong anak na maysakit. Gagaling siya at magiging cancer free na.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo