ni Lolet Abania | July 26, 2021
Anim na rehiyon ang mino-monitor ngayon ng Department of Health (DOH) matapos na magpakita ng tinatawag na “trend reversal”, mula sa negatibo ay naging positibo sa 2-linggong case growth rate na nagresulta sa pagtaas ng COVID-19 infections.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang anim na region na kanilang mino-monitor ay Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, at Northern Mindanao.
Paliwanag ni Vergeire, ang reproduction number ay bilang ng mga tao na bawat isang kaso nito na maaaring maka-infect, kung saan nakapagtala ng 1.009 sa Metro Manila, 0.95 sa Cagayan Valley, 1.12 sa Central Luzon, 0.98 sa Calabarzon, 1 sa Central Visayas, at 0.91 sa Northern Mindanao.
Kapag ang reproduction number ay 1 o mas mataas pa, ibig sabihin, nagpapatuloy ang COVID-19 transmission.
Sa buong bansa, lumabas na tumaas ang mga kaso ng COVID-19 ng 1% nito lamang Hulyo 11 hanggang 24, subalit aniya, dapat na maging maingat sa paggamit ng salitang “surge” para ilarawan ang pagtaas ng infections.
“Ang surge, meron ‘yang definition sa epidemiology which is not what’s happening right now. Tumataas mga kaso — that, we can verify,” paliwanag ni Vergeire.
Ayon din kay Vergeire, ang Cordillera at Ilocos regions ay nakapagtala naman ng isang positive 2-linggong case growth rate nitong anim na linggo lamang, habang ang Northern Mindanao at Davao region ay maingat nilang binabantayan dahil sa mataas na ICU utilization rate.
Mino-monitor din ng DOH ang 26 probinsiya na nakapagtala ng mataas na average daily attack rate at low-risk hanggang moderate-risk sa 2-linggo case growth rate subalit hindi na binanggit ng ahensiya ang mga lugar.
Nakaalerto naman ang mga awtoridad matapos na kumpirmahin ng DOH ang local transmission ng mas nakahahawang Delta variant.
Sa ngayon, nasa 119 kaso na ang tinamaan ng Delta variant, habang 12 ang nananatiling active case.