ni Lolet Abania | August 2, 2021
Mas mahabang curfew hours ang ipapatupad sa Metro Manila simula sa Agosto 6, kasabay ng pagsasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) sa naturang rehiyon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority chairperson Benhur Abalos, ang curfew hours ay magsisimula nang alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga simula sa Biyernes, Agosto 6.
Matatandaang noong Hunyo 15, pinaigsi ang curfew hours sa Metro Manila mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng umaga. Sa ngayon, nasa general community quarantine (GCQ) “subject to heightened and additional restrictions” pa ang National Capital Region (NCR) hanggang Huwebes, Agosto 5.
Agad na naglabas ng mas mahigpit na quarantine classification ang pamahalaan at ipapatupad ang ECQ sa Agosto 6 dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at bilang pag-iingat na rin sa mas nakahahawang Delta variant.