ni Lolet Abania | September 1, 2020
Isinailalim ang mga bayan ng Bacolod at Tacloban, kasama ang Metro Manila, Bulacan at Batangas sa general community quarantine (GCQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, simula, September 1.
Inilagay naman sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Iligan. Ang iba pang bahagi ng bansa ay nasa modified general community quarantine (MGCQ).
Sa ibinigay na guidelines ni Presidential Spokesman Harry Roque, noong May, ang ECQ ay ipinatupad bilang temporary measures sa pagkakaroon ng mahigpit, limitadong galaw at restriksiyon sa transportasyon ng mga tao, istriktong regulasyon ng operasyon sa iba’t ibang industriya, maluwag ang supply ng pagkain at essential services, at malawakan ang mga nakatalagang uniformed personnel.
Samantala, ang MECQ ay transition phase sa pagitan ng ECQ at GCQ. Ayon kay Roque, sa ilalim ng MECQ, mahigpit at limitado pa rin ang galaw at transportasyon ng mga tao, may istriktong regulasyon ng operasyon ng iba’t ibang industriya, maluwag ang supply ng pagkain at essential services, at may kaunting nakatalagang uniformed personnel.
“Ang GCQ, ito ay tumutukoy sa pansamantalang mga hakbang para malimitahan ang galaw, at transportasyon, regulation ng operating industries, and presence of uniformed personnel para ipatupad ang community protocols,” sabi ni Roque.
Sa kabilang banda, ang MGCQ ay “transition phase sa pagitan ng GCQ at tinatawag na new normal,” sabi pa ni Roque.