ni Lolet Abania | June 2, 2021
Nakatakdang magpatupad ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) ngayong Miyerkules, Hunyo 2 ng rotational brownouts sa ilang bahagi ng Luzon at Metro Manila dahil sa patuloy na kakulangan ng power supply sa bansa.
Sa isang advisory ng NGCP, posibleng ipatupad nila ang manual load dropping (MLD) mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-10:00 umaga para anila, “maintain the integrity of the power system”, sa mga sumusunod na lugar:
• LUELCO (bahagi ng La Union at Pangasinan)
• QUEZELCO I (bahagi ng Quezon) • CASURECO II (bahagi ng Camarines Sur)
• MERALCO (bahagi ng Metro Manila)
Gayundin, ipapatupad ang MLD mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga sa mga sumusunod na lugar:
• ISECO (bahagi ng Ilocos Sur)
• QUEZELCO I (bahagi ng Quezon)
• APEC (bahagi ng Albay)
• MERALCO (bahagi ng Metro Manila)
Ang rotational brownouts ay ipapatupad din mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa mga sumusunod na lugar:
• CAGELCO II (bahagi ng Cagayan)
• PELCO I (bahagi ng Pampanga)
• APEC (bahagi ng Albay)
• MERALCO (bahagi ng Metro Manila)
Ang MLD ay isang proseso ng pagpuputol ng kuryente sa mga lugar na sinusuplayan na may kaukulang oras lamang dahil ito sa kakulangan ng power supply. “Schedule may be cancelled if system condition improves, such as if actual demand falls below projections,” ayon sa NGCP.
Inilagay ng grid operator ang Luzon grid sa ilalim ng Yellow Alert, ito ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga, mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi at mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-12:00 ng hatinggabi; habang ang Red Alert naman ay mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-6:00 ng gabi hanggang alas-11:00 ng gabi, kung saan mayroong tinatawag na zero ancillary services o generation deficiency exists.
Ayon sa NGCP, mayroon lamang sa ngayon na available capacity na 11,260 megawatts habang ang operating requirement ay nasa 11,976MW, na nagreresulta sa operating margin deficiency na -716.
Hinimok naman NGCP ang publiko na magtipid sa pagkokonsumo ng kanilang kuryente. Una nang sinabi ng grid operator na asahan ang pagkakaroon ng rotational brownouts sa buong unang linggo ng Hunyo sa gitna ng thin power supply o mahinang suplay ng kuryente dahil mula anila sa ‘planned and unplanned outages’ ng maraming power plants.