ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 20, 2021
Nais ng mga mayors ng Metro Manila at Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagbawalan pa rin ang mga menor-de-edad na lumabas ng bahay dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.
Pahayag ni MMDA Chairman Benhur Abalos sa taped briefing noong Lunes, “Kami po ay nagbotohan kanina. Kami po… mga mayors, nag-usap-usap po kami at hinihiling po sana namin sa IATF [Inter-Agency Task Force] na baka maaari na iyong polisiya sa five-year-old pataas ay baka puwedeng isuspinde muna sa Metro Manila."
Matatandaang pinayagan na ang mga bata sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ na lumabas ng bahay at magpunta sa mga open spaces na lugar katulad ng parke, playgrounds, outdoor tourist sites, outdoor non-contact sports courts, at al fresco dining basta kasama ang mga magulang o guardian.
Ayon kay Abalos, maaaring maging superspreader ng virus ang mga bata.
Saad naman ni Metro Manila Council (MMC) Chairman Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa isang teleradyo interview, "Alam naman nating ito pong mga bata ang mga superspreaders, asymptomatic ‘yan. Pag-uwi sa bahay, yayakap sa kanilang lolo, nanay nila, napakahirap po noon.
"Tinitingnan pa ho natin ang ating preparedness para sa variant na ito, preparedness ng ating healthcare facilities.”
Samantala, sa ngayon ay mayroon nang naitalang 35 kaso ng Delta variant sa bansa kung saan 3 ang namatay.