ni Lolet Abania | November 27, 2022
Nahalal bilang bagong presidente ng Metro Manila Council (MMC) si San Juan Mayor Francis Zamora sa ginanap na joint meeting ng grupo kasama ang Regional Development Council (RDC), nitong Sabado ng gabi.
Sa session din ay napili si Zamora bilang vice chairperson para sa RDC. “Unang-una sa lahat ako ay nagpapasalamat po sa bumubuo sa Metro Manila Council, kay MMDA Chairman Artes, sa lahat ng Metro Manila Mayors maraming salamat sa tiwala sakin,” pahayag ni Zamora sa session na ginanap sa San Juan City.
Kabilang sa mga council members in attendance ay sina Pateros Mayor Mike Ponce III, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr., Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Manila City Mayor Honey Lacuna, Malabon City Mayor Jeannie Ng-Sandoval, at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose “Jerry” Acuzar.
Inamin naman ni Zamora na maaaring may mga hindi pagkakasundo sa grupo dahil sa may iba’t ibang lider sa naturang rehiyon, subalit tiniyak ng alkalde na gagawin niya ang kanyang makakaya para sa pagkaisa ng lahat.
“Unang termino ko bilang mayor naranasan natin ang pandemya, nakita ko gaano kalaki ang bagay kung ang labing pitong mayors sa Metro Manila ay nagkakaisa,” paliwanag ni Zamora. “Minsan posibleng hindi kami magkasundo pero iba pa din may isang boses at isang desisyon,” sabi pa ng alkalde.
Isa sa mga maiinit na isyu na ipinangako ng MMC mayor na maresolba ay ang traffic sa metropolis. “Bumabalik na sa normal ang buhay natin. Ibig sabihin naglalabasan na mga mamamayan so kailangan natin gumawa ng mga hakbang upang solusyonan ang traffic sa metro Manila,” saad ni Zamora.
Gayundin, ibinahagi ni Zamora na ang kanyang top priority ay peace and order. Aniya pa, iaanunsiyo niya ang ibang pang mga plano para sa rehiyon sa mga susunod na araw.
“Ito ay simula pa lang. Sa dadating na linggo na dapat pag usapan. Lahat dapat naririnig at napapansin upang magkaroon ng desisyon Ang MMC na buo at solid,” sabi ni Zamora.