ni Jasmin Joy Evangelista | October 3, 2021
Mabisa raw laban sa lahat ng variant ng COVID-19, kabilang ang mas nakahahawang Delta variant, ang gamot na "molnupiravir" ng pharmaceutical firm na Merck.
Batay daw sa pag-aaral ng Merck, mas epektibo ang gamot kapag naibigay ito kaagad sa pasyente sa simula pa lang na mahawahan.
Target ng gamot ang enzyme na ginagamit ng virus para magparami.
Sa ulat ng Reuters, naibaba raw ng molnupiravir ng hanggang 50 porsiyento ang tsansa na maospital ang pasyente, at maging ang mamamatay para sa mga pasyenteng severe case.
"This is going to change the dialogue around how to manage COVID-19," ayon kay Robert Davis, chief executive officer ng Merck.
Plano ng Merck at partner nitong Ridgeback Biotherapeutics na humingi ng US emergency use authorization para sa gamot sa lalong madaling panahon.
Magsusumite rin sila ng aplikasyon sa iba't ibang bansa, at kung papayagan, ang molnupiravir ang magiging unang oral antiviral medication para sa COVID-19.
Sa clinical trial, pinainom ng naturang gamot ang mga kasaling pasyente tuwing ika-12 oras sa loob ng limang araw.
"Antiviral treatments that can be taken at home to keep people with COVID-19 out of the hospital are critically needed,” sabi ni Wendy Holman, CEO ng Ridgeback.
Gayunman, hindi binanggit ng kompanya kung mayroong side effect ang molnupiravir.