ni Lolet Abania | May 4, 2022
Inatasan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) ng pagre-refund ng mahigit sa P7 bilyon na sobrang nakolekta nito noong mga nakalipas na taon.
Ayon sa ERC, layunin ng pagkakaroon ng refund, na katumbas ng bawas na P0.47 kada kilowatt hour para sa mga residential customers, na maibsan ang bigat na kanilang nararanasan at sa napipintong dagdag-singil sa kuryente sa bill ngayong Mayo.
Gayunman, sinabi ng ERC na kahit na iniutos na nila ang pagbibigay ng refund sa mga kostumer, asahan pa rin ang dagdag-singil sa kuryente, kung saan mas malaki ito kumpara sa halaga ng refund.
“Kahit mag-increase ng P0.60, ‘pag nabawasan, baka ang increase na lang ay hopefully P0.15 to P0.20, malaki ang ibababa,” paliwanag ni ERC Chairperson Agnes Devanadera.
“Ito na lang ang aming puwedeng magawa sa ngayon at saka mayroon namang ini-spread out para ‘di tumaas masyado,” sabi pa ni Devanadera.
Binanggit naman ng opisyal na sa bill ng Mayo, papatak ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa world crude prices. Aniya, nakabase ang presyuhan ng natural gas na galing sa Malampaya facility.
“The fuel cost is something that we cannot do much because this is a worldwide event. It’s a factor that is not within the control of Asia and the region,” saad ni Devanadera.
“Pero nama-manage natin kasi malaking suporta ng generation companies,” aniya pa.