ni Lolet Abania | September 23, 2021
Inianunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Huwebes na muli nilang ipagpapatuloy ang pagpuputol ng serbisyo ng kuryente sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng ipinatutupad na Alert Level 4 status sa rehiyon.
Matatandaang sinuspinde ng Meralco ang service disconnection activities sa Metro Manila simula nang muling ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Agosto 6 hanggang 20 at hanggang sa pinalawig pang modified ECQ mula Agosto 21 hanggang Setyembre 15.
“With the NCR placed under the new GCQ (general community quarantine) with Alert Level 4 beginning September 16… disconnection activities will resume in NCR,” pahayag ng Meralco.
Ayon sa Meralco, ang service disconnection activities sa NCR ay ibabalik habang ide-deliver naman ang mga disconnection notices sa mga kustomer sa hindi pa nabayarang overdue bills sa susunod na linggo.
Paliwanag ng kumpanya na sa service disconnection notices, magkakaroon ng sapat na panahon ang mga kustomer para ma-settle ang kanilang mga unpaid bills at mabibigyan din ng assistance.
Samantala, ayon sa Meralco, ang service disconnection activities sa mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, at Lucena City sa Quezon ay nananatiling suspendido hanggang Setyembre 30, 2021, habang ang mga naturang lugar ay nasa ilalim ng MECQ hanggang katapusan ng buwan.
Gayunman, tiniyak ng kumpanya sa mga kustomer na ang disconnection activities ay mananatiling suspendido sa mga lugar na isinailalim sa granular lockdown ng local government units (LGUs).
“We encourage customers with billing concerns to reach out, so we can assist them and even come up with payment terms if needed. We will continue to be very considerate of the challenges our customers are facing amid these difficult times,” paliwanag ni Ferdinand Geluz, first vice president at chief commercial officer ng Meralco.