ni Melba Llanera @Insider | August 10, 2024
Lahat ng dumalo sa lamay ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde ay naniniwala na isang napakalaking kawalan sa industriya ang pagpanaw ng iconic movie producer.
Iba ang passion, pagmamahal at pagpapahalaga na ibinigay ni Mother Lily, hindi lang sa industriya kundi sa mga naging alaga ng Regal Films na mga tinatawag niyang Regal babies.
Kuwento nga ni Snooky Serna, nu’ng nag-break sila ni Albert Martinez ay halos isang taon siyang na-depress at nagkulong sa kanyang kuwarto. Si Mother Lily kasama si Inday Badiday ay laging dumadalaw sa kanya, nagdadala ng pagkain at madalas nga ay natutulog pa sa sala nila para lang mabantayan at masiguro na maayos siya.
Ayon naman kay Matet de Leon na nagbasa sa sulat ng pasasalamat ng ina na si Nora Aunor dahil may sakit ang Superstar, literally ay inampon din sila ni Mother Lily, kung saan lumaki at nagkaisip na siya sa bakuran ng Regal na dati ay pag-aari ng ina-inahan.
Lagi rin siyang binabantayan nito at ayaw palabasin ng compound at sa mga pagkakataon na tinotopak siya sa shooting ay ibinibigay nito anuman ang gusto niya.
Pagbabahagi naman sa amin ni Richard Gomez, ang unang pelikula niya sa Regal ay ang Inday Bote pero inalok din pala sa kanya na gawin ang Scorpio Nights na pinagbidahan nina Anna Marie Gutierrez at Daniel Fernando, pero tinanggihan niya dahil hindi niya kaya ang mga sexy and erotic scenes.
Pagkatapos nito ay nagkasunud-sunod na ang mga pelikula na ginawa niya sa Regal, kung saan nagbigay din ito sa kanya ng kanyang kauna-unahang Best Actor award.
Natatawa naman si Ricky Davao habang inaalala na nagmistulang D.I. o dance instructor siya kay Mother Lily, kung saan madalas silang nagbo-ballroom nu’ng hindi pa nasusunog ang Ozone Disco.
Ayon nga sa aktor, pagkatapos niyang isayaw nang isayaw ang Regal matriarch, kasunod nito ay may pelikula na siyang gagawin sa Regal.
Pambubuko naman nina Ice Seguerra at Snooky Serna ay mapaniwala sa mga pamahiin si Mother Lily. Ayaw pala nito ang kulay itim, kung kaya’t nu’ng bata si Ice ay hindi siya pinapainom nito ng Coke.
Natatawa namang nagkuwento si Snooky na nu’ng nagpaalam siya kay Mother Lily na gagawin niya ang Blusang Itim sa Seiko Films ay nagsabi sa kanya ito na hindi kikita ang pelikula dahil itim ang kulay ng blusa na gagamitin niya sa pelikula. Pero nu’ng kumita naman ito ay biglang bawi at sinabing alam niya na kikita ito.
Kung si Robbie Tan ay binigyan siya ng pera bilang bonus, si Mother Lily, kahit hindi niya pelikula ang Blusang Itim ay nagregalo ng out of the country treat kay Snooky.
Para nga sa lahat, karakter talaga ang Regal matriarch pero ibang levels ang pagmamahal at pag-aalaga na ibinigay nito sa kanila, kaya hindi nila ito makakalimutan.
Hiling lang nilang lahat ay magpatuloy sana ang legacy na iniwan ni Mother Lily Monteverde, kung saan iniwan niya ang pamamahala ng Regal Films sa anak na si Roselle Monteverde na nangako naman na itutuloy ang naiwan ng namayapang ina.