ni Melba R. Llanera - @Insider | February 27, 2023
Malaki ang paniniwala ni Edu Manzano na malalagpasan ng kanyang anak na si Luis Manzano ang reklamong estafa na isinampa ng halos limampung katao sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Pebrero.
Ayon sa aktor, kampante siya na 'di na niya kailangang idepensa pa si Luis dahil nasa tamang edad na ito at kung anuman ang nangyari sa kasosyo nito sa Flex Fuel ay lalabas din, sa tulong ng mga abogado at imbestigasyon na isasagawa tungkol dito.
Dagdag pa ni Edu, nakakapag-usap naman daw sila ni Luis pero ayaw niyang makialam sa nangyayari dahil wala naman siyang alam sa pinasukang negosyo ng anak.
Ganunpaman, malaki ang suporta niya kay Luis.
Naniniwala ang aktor na ang dapat gawin ni Luis ay kumuha ng isang mapagkakatiwalaang abogado na hahawak sa kaso niya.
Kung sa interview kay Star for All Seasons Vilma Santos sa Fast Talk with Boy Abunda kung saan naging emosyonal at naiyak ito habang nakikiusap at sinasabing mabuting tao ang kanyang anak at 'wag daw sana itong husgahan ng iba, para kay Edu naman, alam daw ng mga tao na mabuting tao ang kanyang anak dahil naniniwala siya na hindi magtatagal sa industriya si Luis kung hindi raw mabuting tao at matatag.
Sa statement naman na inilabas ng kampo ni Luis na biktima rin ito ng matalik na kaibigan at kasosyo sa Flex Fuel na si Mr. Ildefonso Medel, kung saan nagsampa na raw sila ng reklamo laban dito noong nakaraang taon pa ng Nobyembre sa NBI dahil lumapit at nagreklamo na ang ilang investors ng Flex Fuel, ayon kay Edu ay hindi na ito bago o kakaibang sitwasyon at maraming beses na rin itong nangyari sa ibang tao.
Pahayag din sa amin ni Edu, hindi niya ini-spoon feed ang mga anak kahit kailan dahil gusto niyang maisip ng mga ito na minsan, mabubugbog ka ng mga pagsubok sa buhay pero ang mahalaga ay bumabangon ka at nagpapatuloy.