ni Lolet Abania | November 14, 2021
Maaari nang maging bahagi ng programa ng pagbabakuna laban sa COVID-19 ang mga post-graduate o undergraduate interns, clinical clerks, 4-year medicine at nursing na mga estudyante, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 2021-003 na inisyu ng CHED at ng Department of Health (DOH), ang mga naturang estudyante ay maaari nang mag-volunteer bilang health screeners, vaccinators, pre o post vaccination monitors sa superbisyon ng mga licensed physicians at nurses.
“The government is now fast tracking the vaccination rollout as more COVID-19 vaccines arrive in the country. As we increase the number of vaccination sites and increase daily targets, these additional vaccinators and support staff are critical to achieve herd immunity in the next two months,” ani CHED Chairperson Prospero De Vera III sa isang statement.
Una nang inanunsiyo ng gobyerno na ang National Vaccination Days ay isasagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, na layong makapag-administer ng 15 milyong indibidwal.
Ayon sa CHED, itinutulak na nila ang isang school-based vaccination sa lahat ng malalaking pribado at pampublikong higher education institutions (HEIs) simula pa noong Oktubre na sa kasalukuyan ay mayroon nang 61 HEIs na nag-o-operate bilang vaccination centers.
“While more than one million college students have already been vaccinated, this is only about 30% of the target number. We need to rapidly vaccinate more students,” sabi ni De Vera.
Tiniyak naman ng commission sa mga estudyante na ang kanilang naging volunteer work at nakumpletong bilang ng oras ay naka-credit sa kanilang internship, at ito ay sertipikado ng head ng vaccination team sa partikular na vaccination site kung saan sila nagbigay ng serbisyo.
Ang boluntaryong partisipasyon ng mga naturang estudyante sa mga vaccination sites ay ipapatupad anumang risk classification ng lugar o alert level na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Inatasan na rin ang lahat ng CHED regional offices na makipagtulungan sa HEIs na mayroong medicine and nursing programs para makapangalap ng mga student-volunteer vaccinators at makipag-ugnayan sa DOH at lokal na gobyerno upang mai-assign ang mga student volunteers sa iba’t ibang vaccination sites.