top of page
Search

ni Lolet Abania | May 8, 2021




Inaasahang ilalabas ang suggested retail price (SRP) ng mga imported na baboy sa susunod na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).


Sinabi ni DA Chief William Dar, kabilang ang mga senador, susuriin at susumahin nila ang presyo nito ayon sa napagkasunduang taripa.


Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito. “Well, ang presyo po base dito sa pinal na ibinaba na taripa, we are now making the calculations and we are doing this in tandem, in partnership with the DTI so, baka next week i-announce namin ang suggested retail price,” ani Dar.


Matatandaang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order hinggil sa taripa ng mga imported na baboy. Subalit, ilang kongresista ang pormal na nagpasa ng resolusyon upang ipabawi ito kay Pangulong Duterte.


Gayunman, nagkasundo na ang DA at mga mambabatas sa ipinatupad na taripa sa dahilang maaaring makaapekto ito sa local hog industry.


Sinimulan ng pamahalaan ang pag-angkat ng imported na baboy sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng African swine fever (ASF) na labis na nakaapekto sa suplay nito sa bansa ng mga lokal na magbababoy.


Samantala, ayon kay Dar, posibleng bumuhos naman ang suplay sa bansa ng mga imported na isda, gulay at bigas habang sa ngayon ay sapat pa ang mga ito.


 
 

ni Lolet Abania | February 8, 2021





Dumating na sa Metro Manila ngayong Lunes nang umaga ang mahigit 27 metric tons ng mga baboy na nagmula sa Mindanao. Ito ang kinumpirma ni Department of Agriculture Secretary William Dar na layong matugunan ang kakulangan sa supply ng baboy sa NCR.


Ayon kay Dar, nakipag-usap siya sa Southern Cotabato Swine Producers Association kamakailan at napagkasunduang magpapadala sila ng 10,000 baboy kada linggo sa Metro Manila.


Sinabi ni Dar na ang mga baboy ay idiniretso sa bahay-katayan sa Antipolo saka dadalhin ang mga ito sa pinakamalapit na pamilihan. Nangako naman ang ahensiya na magbibigay sila ng subsidy para sa mga hog raisers.


Binanggit ni Dar na nasa P21 sa kada kilo ng baboy na transport assistance ang ibibigay nila sa mga hog raisers ng General Santos City at iba pang lugar sa Mindanao, P15 naman sa galing sa Visayas, Mimaropa, Bicol, extreme Northern Luzon habang P10 para sa mga hog raisers ng Calabarzon at Central Luzon.


Samantala, nanawagan ang Malacañang sa mga vendors sa Metro Manila na nagsagawa ng “pork holiday” sa takot na malugi dahil sa price freeze na ipinatupad ng gobyerno, na bumalik na sa kanilang operasyon at muling magtinda.


“May mga grupo na nag-declare ng pork holiday, meron din pong nanawagan ng pagkain ng alternative protein sources. Sinusuportahan po natin iyong panawagan for consuming alternative protein sources, pero nakikiusap po kami sa mga nagtitinda ng baboy na ipagpatuloy n'yo po ang pagtitinda,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing.


Dahil sa price cap, maraming puwesto ng baboy sa palengke ng Balintawak, Divisoria at Trabajo ang nagdeklara ng pork holiday ngayong Lunes. Ipinunto ng mga vendors na hindi kakayanin ng kanilang kabuhayan at malaking pagkalugi ito para sa kanila na ipinatupad ang price cap kaya nagresulta sila sa pagsasagawa ng pork holiday.


Inamin naman ni Roque na inasahan na nila ang ganitong tugon ng mga vendors subalit hindi kailangang ito ay magtagal dahil nakatakdang magbigay ang gobyerno ng tulong-pinansiyal para sa kanila. “Anticipated naman po natin ‘yan (pork holiday), pero kinakailangan pong gawin po ‘yan (price cap),” ani Roque.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page