ni Gerard Arce / MC - @Sports | December 9, 2022
Nasa South Korea na si dating Senador Manny Pacquiao para sa exhibition fight nito kontra sa martial arts star na si DK Yoo.
Gaganapin ang laban ng dalawa sa Disyembre 10 sa Korea International Exhibition Center. Pagdating pa lamang ni Pacquiao sa airport, agad na sinalubong si Pacquiao ng mga Filipino at Korean fans na nakipag-selfie pa sa dating senador.
Magugunitang noong nakaraang taon ay nagretiro na sa boxing si Pacquiao na mayroong record na 62 panalo, walong talo, dalawang draw at 39 knockouts. Ayon kay Pacquiao, ang mapananalunang premyo sa nasabing laban ay ibibigay nito sa charity.
Bukod pa sa laban ng dalawa ay mayroong ilang nakatakdang undercard na ito ay kinabibilangan ng laban ni Jose Luis Castillo Jr. kay Min Guk Ju; Nico Hernandez vs. Jae Young Kim; Min Wook Kim vs. Marcus Davidson; Abel Mendoza vs. Cristian Ruben Mino at Sean Garcia vs. Seung Ho Yang.
Samantala, umusad na ang Ateneo sa UAAP 85 men’s basketball finals matapos talunin ang Adamson, 81-60, noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum. Muling sumandal ang top-seeded Blue Eagles sa kanilang third-quarter run, umiskor ng 19 na hindi nasagot na puntos upang gawing 63-36 na kalamangan ang 44-36 kalamangan sa pagpasok ng payoff period.
Ito na ang ikatlong pagkakataon sa apat na season na ang Blue Eagles at ang Fighting Maroons ay magsasalpukan sa championship series. Nakatakda ang Game One sa Linggo sa Mall of Asia Arena.