ni MC @Sports | June 23, 2024
Patuloy na nagningning ang pinakamatikas na junior swimmers sa bansa kahit na lumitaw ang mga bagong swimming star sa podium nitong Sabado sa penultimate day ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI) National Age Group Championships sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Center (RMSC) sa Malate, Maynila. Ang mga beteranong internationalists na sina Jamesrey Mishael Ajido at Micaela Jasmine Mojdeh ang nangibabaw sa kanilang kapwa miyembro ng National Team sa napagwagiang gold medal sa kani-kanilang mga klase, ngunit ang araw na iyon ay para rin kina Pia Severina Magat, Pia Ato, Nicola Diamante at mga nakababatang kapatid ni Jasmine na sina Behrouz Mohammad at Mikhael Jasper Mojdeh.
Ang 15-anyos na si Ajido, na may hawak ng Asian junior record sa boys 12-14 100m butterfly (55.98), ay nagwagi sa ikaapat na gold medal matapos manguna sa boys 15 Class A 50-m backstroke (28.50), 100-m freestyle (53.97) at 100-m butterfly. Nanalo ng unang gold sa 200-m freestyle (2:00.42) sa opening noong Biyernes sa torneo na suportado ng PSC at POC.
Tinalo sina Elijah Ebayan ng South Warriors (30.24) at John Jeremy Villanueva ng Pasig (30.42). Sa butterfly, tinalo sina Rodevic Gonzalvo (1:00.12) at Elijah Ebayen (1:01.77). “Maganda na po 'yung pakiramdam ko, sana po, mag-heal na 'yung balikat ko before the National tryouts in August,” ayon sa multi-titled international swimmer.
Tinaguriang 'The Water Beast', si Mojdeh, ang two-time World Junior Championship campaigner, ay nanguna sa girls' 17-over Class A 100-m breaststroke na nagtala ng 1:16.62 laban kina Dee Vianne Catedrilla ng Nautilus (1:20.73) at Gerice Oyaman ng FTW Royals (1:21.64). Siya ang pumangalawa kay Camille Buico (29.01) sa 50-m butterfly (29.27).