ni MC @Sports | January 12, 2023
Sa rami ng nagrereklamong fans sa social media ay agad inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang tatlo umanong scalper o nagbebenta ng ticket na mas mahal pa ang presyo sa orihinal na tiket para sa PBA Finals Game 6 sa Cubao, Quezon City.
Bukod sa naglipana online ang mga scalper ay tumatambay din ang mga nagbebenta ng tiket sa bisinidad ng Araneta Coliseum kaya dumulog na mismo ang Philippine Basketball Association management sa QCPD upang ireklamo ang mga ito.
Naalarma aniya si PBA Commissioner Willie Marcial nang makita online na mas malaki ng limang beses ang presyo ng mga binebentang ticket ng mga scalper. Ibinebenta ng scalper sa presyong P500 hanggang P1,000 ang upper box seat na P230 lang ang halaga, habang ang patron C seat ticket na P650 ang presyo ay ibinibenta ng mga scalper sa halagang P2,800.
Galit na galit ang fans sa socmed dahil hindi na sila nakakabili ng tiket at sold out na kaagad. Isang entrapment operation ng QCPD ang ikinasa at nadakip bandang hapon ang tatlong scalper at narekober sa kanila ang 50 pirasong ticket para sa Game 6.
Mahaharap ang tatlo sa paglabag sa City Ordinance SP-2744 o Anti-Scalping na may katapat na multang P5,000.