ni MC / VA @Sports | July 7, 2023
Laro ngayong Biyernes
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
11 a.m. – Poland vs Brazil
3 p.m. – Slovenia vs Italy
7 p.m. – Japan vs The Netherlands
Ibinuhos ng Brazil ang ngitngit na ganti sa Netherlands sa bisa ng 25-21, 25-15, 25-20 win para umangat sa team standings sa Volleyball Nations League (VNL) men’s tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Habang mabigat ang loob sa pagkatalo sa krusyal na Week 3 opener noong Martes laban sa Italy, nakaresbak ang Brazilians sa madaliang pagdispatsa sa Dutch sa loob lang ng 72 minuto at iangat ang record sa 7-3, ikatlong puwesto sa likod ng unbeaten Japan (9-0) at United States (8-1).
Pinatahimik ng Brazil, ang world No. 3 at ang 2021 VNL champion si Dutch ace Nimir Abdel-Aziz, ang world’s top-ranked spiker, na masipag sa kanyang mga atake para sa 23-25, 20-25, 25-15, 21-25 na pagkasawi sa Italy, 2 araw ang nakaraan.
May tig-10 puntos sina Henrique Honorato at Lucas Saatkamp habang si Ricardo Lucarelli Souza at Alan Souza ay may tig-9 bilang Brazilian quartet combo katuwang si world’s best setter Bruno Mossa Rezende na may 10 puntos kada set.
“We tried to limit their strong attackers. They have the best (opposite) spiker in the world in Nimir and we made a great job blocking him. That was the main thing in this win,” ani Rezende, ang team captain ng Brazil.
At nagawa nga ng Brazil na makuha ang unang panalo sa Philippine leg ng VNL na inorganisa ng International Volleyball Federation (FIVB).
Si Abdel-Aziz, matapos ang 24-point eruption sa 25-22, 25-22, 17-25, 25-18 win kontra Canada noong Miyerkules ay may 8 puntos lang sa Netherlands. Sasagupa ang Brazil ngayon kontra world No. 1 Poland na nasa No. 4 spot sa final preliminary leg ng VNL.