ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021
Sinuspinde ng Bacoor, Cavite ang pamimigay ng ayuda sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang kawani ng lungsod na naging dahilan upang isarado ang city hall.
Ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla ngayong umaga, Abril 7, “Naalarma lang kami kagabi nang tumawag ang department head ng City Treasurer’s Office dahil may isa kaming empleyado na nagkaroon ng senyales na COVID positive.”
Ipinaliwanag niyang kasado na ang pamimigay nila ng ayuda ngayong araw, ngunit nagpasya silang ipagpaliban muna dahil sa posibleng pagkalat ng virus, lalo na sa tanggapan ng nangangasiwa sa ayuda.
Giit pa niya, “Aayusin po muna namin ang sitwasyon sa City Treasurer’s Office. Sana po, maintindihan ng ating mga kababayan ‘yung proseso. Hindi po ganu'n-ganu'n na ibang tao na lang magdi-distribute ng pera. May mga sistema po. May proseso kaya umaapela po kami sa ating mga kababayan.”
Sa ngayon ay pumalo na sa 1,367 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Puno na rin aniya ang mga ospital at mahaba pa ang listahan ng mga nasa waiting list.
“We will be writing a letter to the DSWD 4A para banggitin na suspendido muna for the next few days ang atin pong pagbibigay ng ayuda and we will appeal for an extension dahil po talagang ‘di po biro ito,” sabi pa ni Mayor Lani.