ni Lolet Abania | August 29, 2020
Bumili ng mga lote mula sa dalawang kumpanya, na ipapamahagi sa mga informal settlers, ang lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Dalawang deed of sale ang pinirmahan ni Mayor Joy Belmonte, para sa pitong lupa na matatagpuan sa Area 3, Sitio Veterans, Barangay Bagong Silangan na nagkakahalaga ng P110 million. May kabuuang sukat na 36,651 sq.m. ang lote, na ibibigay sa 530 pamilya bilang beneficiaries na nanggaling sa homeowners’ associations.
Gayundin, binili ng city government ang dalawang lote na matatagpuan sa Barangay Payatas ng naturang lungsod na may kabuuang sukat na 76,787 sq.m.
Samantala, nagkaroon ng kasunduan sa lupaing ito dahil 65,025 sq.m. lamang ang babayaran ng Quezon City na nagkakahalaga ng P195 million, at ido-donate ng kumpanya ang natitirang 11,762 sq.m. sa local government unit (LGU). Mayroong 1,200 pamilya mula sa walong homeowners’ associations ang mabibigyan ng lote.
Sa susunod na taon, planong bilhin ng Quezon City ang isa pang lote na may sukat na 100,619 sq.m. kung saan tinatayang 1,270 pamilya ang mabibiyayaan nito.