ni Jasmin Joy Evangelista | October 30, 2021
Dumagsa sa Quezon City Hall nitong Biyernes ng madaling araw ang daan-daang katao matapos umanong kumalat ang impormasyong may ipamimigay na pera ang lungsod.
Ayon sa ilang pumunta, may balitang may bigayan daw ng P10,000 ayuda ang QC local government unit.
Ang ilan sa kanila ay nakita naman ang social media post tungkol sa "Pangkabuhayan QC," habang ang iba ay basta na lang daw pumunta.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, walang katotohanan na namimigay ng P10,000 ayuda ang lungsod dahil ang talagang pinapipila ay ang mga magbibigay ng requirements para sa programang "Pangkabuhayan QC."
"Around 85 percent ng pumunta, P10,000 ayuda ang hinahanap," sabi ni Belmonte.
Ang Pangkabuhayan QC ay pagbibigay ng P5,000 hanggang P20,000 para sa mga nawalan ng trabaho o nagsara ang negosyo dahil sa pandemya.
Ayon pa kay Belmonte, posibleng may nagpakalat ng fake news kaya't dinagsa ang labas ng city hall.
Nakikiusap ang alkalde sa mga nagpapakalat nito na tumigil na dahil kawawa naman ang mga umasa.
"Sa mga nagpapakalat ng fake news tigilan niyo na, nawalan na nga ng trabaho niloko niyo pa," aniya.