ni BRT | May 18, 2023
Hindi ibabalik sa ngayon ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa Metro Manila sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Metro Manila Council head San Juan City Mayor Francis Zamora, nananatiling nasa low-risk category ang rehiyon para sa COVID-19 na may 29% hospital utilization rate.
Habang ang positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa virus mula sa nasuring indibidwal ay nasa 25% subalit karamihan ay mild lamang.
Iniugnay naman ng alkalde ang mababang positivity rate at hospitalization rates sa mataas na vaccination rate sa rehiyon.
Sa kabila aniya ng pagpapatupad ng face mask mandate sa ibang lungsod, sa kabuuan sa Metro Manila ay nananatiling nasa Alert Level 1 o low risk category at sa ilalim nito, nananatiling optional ang pagsusuot ng face mask.
Inihayag din ni Zamora na hindi pa natatalakay sa nagdaang pagpupulong ng konseho ang pagpapatupad muli ng mandatoryong pagsusuot ng face mask.
Ipinaliwanag din ng opisyal na mayroong otonomiya ang mga lokal na pamahalaan na nangangahulugan na maaaring magpatupad ang mga ito ng face mask mandate sa pamamagitan ng mga ordinansa o executive orders.