ni Lolet Abania | January 5, 2022
Inanunsiyo ng Maynilad Water Services, Inc. nitong Martes na magpapatupad sila ng temporary water service interruption sa maraming lugar dahil sa pagtaas ng turbidity level ng Laguna Lake sanhi ng Northeast Monsoon (Amihan).
Sa kanilang Twitter post, ayon sa Maynilad, nagresulta ito sa pagbaba ng produksyon para matiyak ang kalidad ng tubig na kanilang sinusuplay sa mga customers.
Batay sa Maynilad, “it has to undertake urgent maintenance work on ultrafiltration membranes and dissolved air flotation system at Putatan Water Treatment Plants to ensure their filtration capacity.”
Ayon sa kumpanya, mula Enero 5 hanggang 20, ang mga customers sa bahagi ng Metro Manila at Cavite ay makararanas ng water service interruption. Pinapayuhan naman ang mga customers na mag-impon na ng tubig sa kanilang mga tangke habang mayroong pang suplay sa ngayon.
Gayunman, ayon sa Maynilad, inihahanda na rin nila ang mga water tankers para makapag-supply naman ng malinis na tubig sa mga apektadong komunidad.
Paalala ng Maynilad sa mga customers, matapos na maibalik ang suplay ng tubig, hayaan munang umagos ang tubig sa umpisa hanggang sa ito ay maging malinaw na.
Samantala, sa hiwalay na advisories nitong Martes at Miyerkules, ayon sa Maynilad, ang kanilang mga customers sa Las Piñas City, Muntinlupa City, at Paranaque City ay makararanas ng low pressure hanggang sa walang supply ng tubig dahil din ito sa water quality ng Laguna Lake.