top of page
Search
  • Israeli Rommelle San Miguel
  • Nov 18, 2023

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 18, 2023




Lumahok ang kabuuang 150 na mga bata sa Children's Congress na inorganisa ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children's Month ngayong Sabado.


Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Children's Congress na idinaos sa Universidad de Manila (UDM) sa Ermita, Manila.


Nagsilbing daan ang programa para maipakita ng mga kabataan ang kanilang mga talento upang maipahayag ang kanilang sarili.


Nakiisa rin sa kaganapan sina Manila Vice Mayor John Marvin Yul Servo-Nieto at Second District Councilor Roma Robles na nagbigay ng kanilang mga mensahe sa mga bata.


“Kaya itong Children's Congress ay isang magandang pagkakataon upang magmula mismo sa inyong mga sariling isipan at sariling sitwasyon ay makuha natin ang inyong mga saloobin bilang mga bata. Sa inyong murang edad mas maganda na magabayan namin kayong mabuti bilang mga higit na mas nakatatanda sa inyo,” pahayag ni Servo-Nieto.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 20, 2023




Aprubado at ipapatupad na ang pagkakaroon ng tumutunog na traffic signal at labeled push buttons para sa mga pedestrian sa Maynila, ayon sa Manila City Council noong Huwebes, Oktubre 19.


Ang ordinansa ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre 12, at iminamandato ang paglalagay ng mga tumutunog na traffic signal at labeled push buttons sa mga pedestrian traffic lights sa lungsod.


“These safety devices are commonly used in highly urbanized cities to assist pedestrians with disabilities while crossing lively streets and busy roads," ayon kay First District Councilor Erick Ian "Banzai" O. Nieva na may-akda ng hakbang na ito.


Layunin nitong matulungan ang mga matatanda, buntis at persons with disabilities (PWD) na gumagamit ng signal-controlled na mga tawiran sa lungsod.


Ayon sa ordinansa, nagbibigay ang tumutunog na traffic signal ng impormasyon sa mga may problema sa paningin hinggil sa lokasyon ng mga pedestrian light signal.


Ang control-section ay nagbibigay ng gabay sa isang tao sa pagtawid sa pamamagitan ng sabayang pagtunog mula sa mga speakers na inilalagay sa magkabilang dulo ng pedestrian lane.


Sa kabilang dako, ina-activate ng push button ang countdown timer, na magbibigay ng sapat na oras sa mga tao na tawirin ang pedestrian lane.


Paparusahan ng ordinansa ang sinumang mahuhuling nananamantala sa mga tumutunog at push button-equipped signals.


“The ordinance is in line with the city government’s mantra 'Dito sa Maynila, walang iniiwan, lahat kasama, lahat mahalaga,'” pahayag ni Nieva.


 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 18, 2023




Dinakip ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng baril habang nakasakay sa motorsiklo sa Ermita, Maynila, nitong Miyerkules, Oktubre 18.


Kinilala ng MPD-Ermita Police Station (PS-5) ang suspek bilang si JV Rebuse.


Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ay sakay ng kanyang motorsiklo bandang alas-12:30 nang madaling araw at nagmamaneho sa kahabaan ng Sta. Monica Street, service road sa Barangay 668 sa Ermita.


Napansin ng mga awtoridad na nagpapatrol sa lugar ang suspek na may handle ng baril na nakalabas sa kanyang kanang baywang.


Kaagad nilang pinara ang suspek at inaresto ito dahil sa pagkakaroon ng .9 milimetrong baril na may magasin na naglalaman ng walong bala.


Idinagdag ng pulisya na hindi nagawa ng suspek na magpakita ng anumang dokumento ukol sa baril.


Nasa PS-5 na ngayon ang suspek at haharap ito sa mga kaso ng paglabag sa Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at sa Batas Pambansa 881, Omnibus Election Code of the Philippines, ayon sa pulisya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page