top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Animnapu’t isa na ang nakaranas ng sintomas at sumama ang pakiramdam sa mahigit 13,639 katao na nabakunahan ng Sinovac COVID-19-vaccines simula noong ika-1 ng Marso, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.


Batay sa ulat, lahat sila ay ligtas na pinauwi sa kanilang tahanan dahil karaniwang epekto lamang daw ang mga naranasan nila o ‘mild adverse event’.


Tinatayang 700 katao ang nabakunahan nang magsimula ang rollout. Sa mga sumunod na araw ay nadagdagan ito ng 3,000 hanggang 4,000 katao at patuloy itong tumataas.


Giit pa ni Vergeire, "We expect na tataas pa ang update, lalung-lalo na po at meron na ho tayong ibibigay sa kanila na option because AstraZeneca vaccines are here already."


Sinimulan na ring gamitin ang bakunang AstraZeneca sa Ospital ng Parañaque II kaninang umaga. Nakahanda naman ang ospital sa mga posibleng tatamaan ng ‘adverse event’.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Isinagawa na ang kauna-unahang rollout gamit ang AstraZeneca COVID-19 vaccine sa Ospital ng Parañaque II kaninang umaga, Marso 6.


Ayon kay Department of Health National Capital Region (DOH NCR) Assistant Director Maria Paz Corrales, dalawandaang doses ng AstraZeneca ang ibinigay sa ospital kung saan si Parañaque City Health Officer Dra. Olga Virtusio ang unang binakunahan.


Dagdag pa nito, tinatarget mabakunahan ngayong araw ang mahigit 50 senior healthcare workers sa lungsod.


Nauna na ring kinumpirma ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. ang pagdating sa bansa ng karagdagang 38,400 doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility bukas, ika-7 ng Marso.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 5, 2021





Naitala sa 4.7% ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa nitong buwan ng Pebrero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).


Anila, nakaapekto sa pagtaas ng inflation ang presyo ng elektrisidad, transportasyon at mga bilihin, partikular ang baboy na tumaas sa 20.7% mula sa 17.1% kumpara noong Enero 2021. Ito na rin ang pinakamataas na inflation rate simula Enero, 2019.


“Ang pangunahing dahilan ng pag-angat ng inflation sa buwan ng Pebrero, 2021 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages,” paliwanag ni National Statistician Claire Dennis Mapa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page