top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Nananatili sa alert level 1 ang Mt. Pinatubo sa Pampanga dulot ng sunud-sunod na paglindol, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, “Babantayan nating mabuti ang Pinatubo pero wala namang recommendation na mag-evacuate. Ang restriction lang natin kung wala namang importanteng gagawin sa crater ng Pinatubo, 'wag nang pumunta. Kung meron man, extreme caution, ibayong pag-iingat.”


Dagdag pa niya, “Yung huling taon na kung saan may konting aktibidad ang bulkang Pinatubo, nag-alert level 2 ay nu'ng 1995. Ibinaba natin ito at zero na noong January, 1996. Magmula noon, wala tayong kakaibang nakikita sa Pinatubo. Baka kasi may iba pang mangyari sa mga susunod na panahon kaya kailangang abisuhan ang mga tao at ang pag-abiso natin sa publiko tungkol sa aktibidad ng bulkan ay through alert level.”


Matatandaang naminsala ang Mt. Pinatubo noong 1991 kung saan tinatayang 847 katao ang nasawi habang 250,000 ang pamilyang lumikas.


Mahigit P12.5 bilyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian, agrikultura at imprastruktura dulot nu'n.


Sa ngayon, wala pa namang nakikitang ebidensiya na magkakaroon ng imminent eruption at wala pang senyales na may umaakyat na magma o gas mula sa bulkan.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Isinailalim sa lockdown ang Provincial Health Office (PHO) at ang Madalag Public Market sa Aklan dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 simula noong Huwebes, ika-4 ng Marso.


Ayon sa ulat, limang kawani ng health office ang nagpositibo sa COVID-19 habang 6 na vendors naman sa palengke.


Nasa quarantine facility na ang mga nagpositibo at sumasailalim na rin sa 14-day quarantine ang mga naging close contacts nila.


Inaasahang bubuksan ang palengke sa Lunes, Marso 8. Samantala, wala pang petsa kung kailan muling magbubukas ang health office.


Sa ngayon ay bibigyang-daan ng lungsod ang pagdi-disinfect sa paligid kontra COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Dumoble na ang bilang ng mga pasyenteng naka-admit sa St. Luke’s Medical Hospital dulot ng pandemya kung saan umabot na sa mahigit 3,000 ang kanilang daily tally simula kahapon, Marso 5, ayon sa pinuno ng ospital.


Saad ni Chief Medical Officer Dr. Benjamin Campomanes, "We have seen a steady increase in the rise ng COVID cases. This week alone, 'yung dati nating siguro max na 35, mga 50 to 60 na ngayon ang mga COVID beds na occupied ng mga pasyente.”


Dagdag pa niya, “This comprises about 60 percent of our total COVID beds allotted to the hospitals kaya 'yung ibang mga tao, sinasabing nagbubukas na ng ibang COVID wards kasi 'yun talaga 'yung allotment. Kasi ang nangyari, isinara natin ang ibang COVID wards kasi konti lang 'yung naka-admit. Pero this week, tumaas nga ng ganu'ng numero.”


Kanina lang ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,439 na karagdagang kaso ng COVID-19. Ito na ang pinakamataas na naitala sa bansa simula noong ika-16 ng Oktubre 2020.


Kaugnay nito, hinihikayat ni dating Department of Health (DOH) Secretary Esperanza Cabral ang publiko na huwag nang maghintay pa ng perpektong bakuna dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at mga nadaragdag nitong variant.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page