ni Mary Gutierrez Almirañez | March 12, 2021
Hinuli ang mga hindi sumusunod sa ipinatupad na health protocols kontra COVID-19 partikular na ang mga walang suot na face mask sa Quezon Ave. Memorial Circle, Quezon City ngayong umaga, Marso 12.
Batay sa ulat, patuloy na nagsasagawa ng operasyon sa lungsod ang Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD) at Task-force Disiplina, gayunpaman, ngayong araw ang itinuturing nilang “one time, big time operation” mula noong ika-1 ng Marso kung saan umabot na sa mahigit 4,000 ang mga pasaway na nahuli.
Ayon pa kay DPOS Head Elmo San Diego, “Sobrang higpit natin kaya lang, ayaw makinig ‘yung mga mamamayan natin. Parang dinededma nila. Hindi sila seryoso at hindi nila alam na talagang delikado ang sitwasyon natin ngayon… Kaya ako nalulungkot, hindi nababawasan ‘yung huli. In fact, dumadami pa rin. Dapat ‘pag dumadami itong infection rate sa Quezon City, pababa nang pababa ‘yung mga violators natin.”
Tinatayang P300 ang multa sa mga nahuli sa first offense, habang P500 para sa second offense at P1,000 sa third offense. Aniya, hindi na nila titiketan ang mga aabot sa ika-apat na paglabag, bagkus ay ikukulong na nila ito sa presinto kung saan kailangan nang magpiyansa.
Dagdag pa niya, “After 7 days, idinedemanda na natin sila sa Fiscal’s office. Kaya kailangan ‘yan immediately, mabayaran nila. At eto, magkaka-warrant sila kapag hindi sila tinubos… Kapag may violation ka at hindi mo tinubos, hindi ka na makakakuha ng mga permit dito sa Quezon City. Walang maibibigay na services sa ‘yo dito sa Quezon City, unless mabayaran mo muna.”
Ngayong araw ay umabot na sa 300 katao ang mga nahuling lumabag sa lungsod. Karamihan sa kanila ay lumabas lamang sa bahay para bumili ng kape, shampoo at iba pa sa katabing tindahan nang hindi nakasuot ng face mask.