top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 13, 2021





Magdudulot ng diskriminasyon ang pagbibigay ng pangalan sa mga bagong variant ng COVID-19 kung ihahango ito sa pangalan ng bansa, ayon sa panayam kay Department of Health Technical Advisory Group Member Dr. Anna Lisa Ong-Lim ngayong araw, Marso 13.


Kaugnay ito sa nakumpirmang 98 na kaso ng P.3 variant mula sa mutations ng N501Y at E484K na unang na-detect sa Central Visayas noong nakaraang buwan. Gayunman, iginiit nilang hindi ito ang variant of concern na dapat katakutan.


Aniya, “We want to do away with calling this as Philippine variant. It’s not an acceptable practice and we try to veer away from that… Kasi nga, ayaw na natin ‘yung practice na ginagamit ang lugar to assign the name of the variant kasi nga medyo nakaka-cause ng discrimination, when in fact puwede naman siyang nakikita rin sa ibang lugar.”


Nauna nang iniulat sa Japan ang tungkol sa nakumpirmang bagong variant ng COVID-19 mula sa biyaherong nanggaling sa Pilipinas noong Pebrero 25 na kahalintulad sa mutations na nadiskubre sa Central Visayas.


Sa ngayon ay 59 ang nadagdag sa UK variant, habang 32 naman sa South African variant at 1 sa Brazilian variant ng COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 12, 2021





Dalawampu’t isa ang nakaranas ng seryosong adverse events matapos mabakunahan kontra-COVID-19, kung saan 20 sa kanila ay tinurukan ng Sinovac, habang AstraZeneca naman ang itinurok sa isa, batay sa tala ng Department of Health (DOH) ngayong araw, Marso 12.


Ayon pa kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, “‘Yung iba ay nahirapang huminga, ‘yung iba ay sumakit ang dibdib. Ito po ay kino-consider nating serious at pinag-aaralan po kung ano ang causality nito.”


Iginiit din niya ang sinabi ng National Adverse Events Following Immunization Committee na ang mga nararanasang adverse event ay maaaring resulta lamang ng pagkabalisa at pagkatakot sa bakuna ng isang indibidwal.


Sa ngayon ay nagsasagawa na ng pag-aaral ang mga eksperto upang matukoy ang nag-trigger sa bakuna para magdulot ng kakaibang adverse events.


Samantala, iginiit pa ni Vergeire na manageable naman ang ganitong sitwasyon kaya kaagad din nila iyong natugunan. “Ito ‘yung mga common at saka minor… Usual lang po ‘yan hindi po dapat ikatakot,” sabi pa niya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 12, 2021





Pagbobotohan ngayong Sabado, Marso 13, sa Palawan ang plebisito para hatiin ito sa Palawan Oriental, Palawan Del Norte at Palawan Del Sur na layuning gawing tatlo ang malaking lalawigan upang mas mapabilis umano ang paghahatid ng serbisyo sa mga Palaweño.


Sa kabila nito, may ilang residente ang tumututol na hatiin ang Palawan sapagkat anila’y sapat naman ang natatanggap nilang serbisyo mula sa mga LGU, taliwas sa sinasabi ni Governor Jose Alvarez na mas uunlad ang kanilang ekonomiya dahil iikot na sa kapitolyo ang kita ng bawat transaksiyon sa mga hotel, restaurant at resort.


Nauna nang isinagawa ang kampanya sa plebisito na nagdulot ng pagkabahala at magkakaibang pananaw sa mga mamamayan.


Bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19, palima-limang botante lamang ang papayagang pumasok sa bawat silid-aralan para bumoto. Kapag nakaboto na ang lima ay saka lamang puwedeng pumasok ang mga susunod. Pagkatapos nito, tatlong araw pa umano bago lumabas ang magiging resulta.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page