ni Mary Gutierrez Almirañez | February 26, 2021
Labing-pitong pampublikong palengke na sa Maynila ang nagsagawa ng pork holiday o hindi pagtitinda ng karne mula noong ipatupad ng gobyerno ang price ceiling, ayon kay Manila Market Administration Office Director Zenaida Mapoy.
Sa kabila nito, may ilang vendors sa Murphy Market, Cubao, Quezon City ang nagdesisyong hindi na sasama sa panibagong pork holiday na pinaplano ng mga magbababoy. Sa halip ay magtataas na lamang sila ng presyo ng karne para kumita.
Anila, mula sa P180 ay umaabot na sa P220 kada kilo ang buhay na baboy at hindi na nila kakayaning sumunod sa P270 na price cap dahil kulang ang kikitain kung isasama pa sa gastusin ang ibabayad sa puwesto at mga trabahador.
Ngunit sa kabila ng pag-aray ng mga pork vendors ay itinuturing pa rin ng Department of Agriculture (DA) na matagumpay ang pagpapatupad sa price ceiling dahil ayon sa monitoring nila ay marami pa rin ang sumusunod sa P270 hanggang P360 na bentahan ng baboy, taliwas sa dating P400 hanggang P450.
Pinangunahan ng Department of Agriculture at Department of Trade Industry ang Laban Konsumer na hamunin ang Economic Intelligence Group para ilabas ang resulta ng imbestigasyon kung may nagmanipula kaya sumirit ang presyo ng baboy.
Uumpisahan na rin ng ilang vendors mula sa iba’t ibang palengke ang signature campaign para matigil na ang price ceiling.