ni Mary Gutierrez Almirañez | February 27, 2021
Nagsasagawa ng pagpupulong ang Philippine General Hospital (PGH) ngayong araw, Pebrero 27, na may layuning ipabatid sa mga healthcare workers at mga empleyado ng ospital ang lahat ng impormasyong may kinalaman sa Sinovac COVID-19 vaccine.
Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, “Ino-offer namin ang Sinovac on a voluntary basis, wala pong pilitan at iginagalang po namin lahat. Katawan mo 'yan, personal decision mo 'yan. We just have to make sure na-layout namin 'yung proper context kasi talaga namang kulang ang bakuna and we really have to protect our healthcare workers. Mas maaga kang magpabakuna, mas marami ang protected, hindi kumakalat 'yung sakit...
"Ngayon, ang aming gagawin ay i-explain pa nang mabuti 'yung bakuna na ito na Sinovac dahil na-focus kami sa isang bakuna. So, lahat ng information, naka-pattern doon.”
Bukas, darating na sa bansa ang 600,000 doses ng Sinovac at isa ang PGH sa mga ospital na inaasahang makakatanggap sa unang batch nito.
Nauna na ring inihayag na hindi inirerekomenda ang Sinovac sa mga healthcare workers na may direct exposure sa COVID-19 patients dahil 50.4% lamang ang efficacy rate nito.
Ngunit kahapon, Pebrero 26, inanunsiyo ni Dr. Maria Consorcia Quizon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), na ligtas itong gamitin sa mga healthcare workers.
Giit pa ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi totoo na walang kuwentang bakuna ang Sinovac. Sa halip ay napapababa pa nito nang 75% ang tsansang magkaroon ng severe infection ang isang indibidwal.