top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 28, 2021





Nakumpiska ang mahigit P30 milyon halaga ng mga pekeng sigarilyo at makina sa paggawa nito sa magkasunod na operasyon ng pulisya at mga tauhan ng Bureau of Customs sa Orion, Bataan nitong Sabado nang gabi, Pebrero 27.


Ayon sa ulat, tinatayang P20 milyon ang nasabat sa unang operasyon at sa follow-up operation naman ay nagkakahalagang P10 milyon na mga pekeng sigarilyo at kagamitan ang nakuha sa sinalakay na bodega.


Matatandaang noong Miyerkules ay mahigit P9 milyon halaga ng mga pekeng sigarilyo ang nasabat din sa Bataan kung saan 400 master cases ng Marvels, D&B, Mighty at Tomon cigarettes na karga ng trailer truck ang naharang sa checkpoint ng 2nd Provincial Mobile Force Company at ng Limay Municipal Police Station, kasama ang kinatawan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp., at Japan Tobacco Inc..


Paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Rights ang ikinaso sa mga nahuli.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 27, 2021





Ikakarga na patungong Pilipinas ang 525,600 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine at inaasahang darating sa Lunes, Marso 1, ayon sa vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez.


Kinumpirma ni WHO Country Representative Rabindra Abeyasinghe na 5.5 million hanggang 9.2 million doses ng Astrazenica ang inaprubahan at mayroon nang emergency use authorization sa bansa.


Sa pagtatapos ng taon ay inaasahang mahigit 70 milyong Pilipino ang mababakunahan kontra COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 27, 2021





Nababahala ang OCTA Research Group sa inaprubahang bagong guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaninang umaga, Pebrero 27 kung saan inaalis na ang mandatory testing at quarantine sa mga domestic travelers.


Ayon kay OCTA Research Prof. Guido David, hindi dapat alisin ang border control sapagkat hindi lahat ng lugar sa Pilipinas ay pare-pareho ang estado kaugnay ng COVID-19.


Posibleng mahawa ang mga bayan na maganda na ang sitwasyon kung basta na lang makapapasok doon ang mga indibidwal nang walang sapat na screening.


Aniya, "Sana naman, they would evaluate ‘yung mga measures. Hindi naman masamang mag-travel pero let’s just be strict about ‘yung controls natin para hindi natin ikalat sa buong Pilipinas ‘yung virus.”


Batay naman sa naging sagot ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, suportado nila ang desisyon ng IATF sapagkat madalas ay nagiging irasyonal na ang mga travel requirement.


Iginiit nito ang sinasabi ng mga eksperto na mas mainam kung i-test na lamang ang mga may sintomas ng sakit saka i-monitor ang mga biyahero na pumasok sa isang lungsod.


Aprubado ang bagong panukala sa ilalim ng Resolution No. 101 na nagsasabing hindi na kailangang sumailalim ng mga turista sa COVID-19 testing maliban na lamang kung ire-require ng local government unit (LGU) na kanilang pupuntahan.


Hindi na rin umano kailangang sumailalim sa quarantine ng mga turista maliban kung may sintomas ng COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page