top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 1, 2021





Mahigit 1,500 healthcare workers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City ang nakatakdang mabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccines bukas, Marso 2, ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.


Pero batay sa ulat, umatras magpabakuna ang 55 healthcare workers sa lungsod sapagkat anila ay gusto nila ang mas mataas na efficacy rate ng bakuna, na kaagad namang naunawaan ng alkalde.


“Sinabi ko nga ru’n sa ospital namin dito, ‘yung Amang Rodriguez Medical Center, eh, ‘yung 55 na tumanggi para maturukan ngayon ay isama ru’n sa susunod na ano na listahan, hangga’t maaaring makatanggap ng ibang brand ng bakuna na maaaring maging available sa mga darating na araw,” pahayag ni Mayor Teodoro.


Giit pa niya, hindi dapat mabahala ang mga umatras na healthcare workers dahil hindi sila mapaparusahan.


“Dito sa Marikina, nakikipag-ugnayan kaming mabuti ru’n sa aming medical director. Pero nababalitaan ko nga sa ibang ospital, parang mayroong pananakot at mayroong parang panggigipit na ginagawa na sinasabing hindi sila maisasama ru’n sa priority list na gagawin. Pero ito’y mali. Hindi tama. Mabuti na malinaw natin itong masabi sa mga kababayan natin.”


Dagdag niya, dapat lamang maibigay sa mga healthcare workers ang bakunang may pinakamataas na efficacy rate dahil sila ang pananggalang ng mga mamamayan laban sa COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 28, 2021





Nagpositibo sa COVID-19 si Archbishop Florentino Lavarias ng Archdiocese of San Fernando sa Pampanga ngayong araw, Pebrero 28, ayon sa kumpirmasyon ni Vicar General Fr. Francis Dizon.


Aniya, "Let us all pray for his steady and speedy recovery to our Santo Cristo del Perdon y Caridad through the intercession of our Virgen de los Remedios."


Nananatili sa maayos na kalagayan ang 63-anyos na Achbishop at ipinaalam na rin sa mga close contact niya ang estado ng kalusugan niya ngayon.


Samantala, ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay magaling na mula sa virus sina Cebu Archbishop Jose Palma at retired Auxiliary Bishop Antonio Rañola.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 28, 2021





Pangungunahan umano nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr. ang pagbabakuna sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City bukas, ika-1 ng Marso, sa ganap na 9:30 ng umaga.


Isa ang Lung Center sa mga referral hospital ng mga pasyenteng may COVID-19 at kabilang sa mga ospital na makakatanggap ng Sinovac.


Batay sa survey, halos 82% hanggang 90% sa mahigit 1,400 empleyado ng Lung Center ang pumayag na mabakunahan ng Pfizer, ayon sa tagapagsalita ng ospital na si Dr. Norberto Francisco.


Wala pang partikular na survey para sa Sinovac at Astrazenica na kapwa parating na sa bansa. Ganunpaman, patuloy pa rin ang information drive sa ospital.


Samantala, 12% naman na mga frontliners sa Philippine General Hospital (PGH) ang pumapayag na maturukan ng Sinovac.


Nauna nang sinabi ng Food and Drug Administration na hindi mairerekomenda sa health care workers ang Sinovac, bagama't maaari naman silang magpaturok nito kung gugustuhin. Hindi rin sila mawawala sa priority list kapag dumating na ang bakunang gusto nila.


Sa kabilang dako, nananatili namang normal ang sitwasyon sa Veterans Memorial Medical Center kung saan dadalhin ang mga bakunang inilaan para sa mga sundalo.


Kaugnay nito, 40,000 doses ng Sinovac ang inaasahang ipapamahagi sa Boracay, ayon kay Malay Mayor Floribar Bautista. Aniya, para iyon sa tourism workers ng LGU at bahagi umano iyon ng kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng Boracay sa international tourists.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page