top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 3, 2021





Tinatayang labingtatlo ang patay at 13 ang sugatan sa banggaan ng semi-truck at SUV sa Holtville California kahapon, Marso 2.


Kaagad isinugod sakay ng helicopter sa Desert Regional Medical Center ang 68-anyos na drayber ng trak kabilang ang apat pang sugatan. Ang tatlo ay dinala sa Pioneers Memorial Healthcare District at ang iba ay nasa El Centro Regional Medical Center.


Ayon kay Chief of the Highway Patrol’s Border Division Omar Watson, mahigit 25 katao na nasa edad 20 hanggang 55 ang mga umano’y nakasakay sa burgundy 1997 Ford Expedition. Kabilang sa mga namatay ang 22-anyos na drayber at 10 sa kanila ay mga Mexican nationals.


Aniya, “That vehicle is not meant for that many people. It’s unfortunate that number of people were put into that vehicle because there’s not enough safety restraints to safely keep those people within the vehicle.”


Dagdag pa niya, “We’re not sure if the vehicle ran the stop sign or if the vehicle stopped and entered unsafely. We’re still unsure.”


Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyari.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 3, 2021





Kinlaro ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag niya kahapon, Marso 2, hinggil sa matagal nang nakabakasyon ang ‘Pinas mula noong mag-lockdown.


Aniya, "Hindi naman po talaga bakasyon 'yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho. Kaya ngayon na pupuwede na po tayong makapagtrabaho sana dahil nagbubukas na tayo ng ekonomiya, hayaan naman nating kumita at makapagtrabaho ang ating mga kababayan."


Kaugnay ito sa proklamasyon ng pamahalaan upang gawing “special working holidays” ang Nobyembre 2, Disyembre 24 at 31 simula ngayong taon.


Dagdag pa niya, “Ang konteksto lang nito, talagang maraming tao ang hindi nakapaghanapbuhay dahil dito sa pandemyang ito. Kaya nga ninanais ng economic team na makahabol naman tayo, at iyon po ang konteksto na aking sinabi."


Iginiit din niya ang posibilidad na makabalik na sa normal ang ekonomiya ng bansa dahil mayroon nang bakuna kontra COVID-19.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 2, 2021





Labing tatlo katao na ang naitalang dumanas ng masamang pakiramdam matapos maturukan ng Sinovac COVID-19 vaccine sa unang araw pa lamang ng vaccination roll out, ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaninang umaga, Marso 2.


Aniya, “All of them are common and all of them are minor adverse events. Wala sa kanilang na-admit. Lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while they were all sent home.”


Ang mga naitalang adverse event ay katulad ng pagkahilo, pagduwal, pangangati ng katawan at pananakit ng ulo.


Dagdag pa niya, “Huwag lang merong gross negligence talaga on the part of the manufacturer and also the healthcare worker… Ang gobyerno ang sasagot, magpapagamot, magbabantay, tutulong sa mga taong magkakaroon nitong mga adverse events na ‘to.”


Tinatayang 756 katao ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan ng Sinovac kahapon, bilang na mas mataas kaysa sa inaasahan ng DOH.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagbabakuna sa mga healthcare workers, kapulisan at opisyal ng pamahalaan. Nasimulan na ring ipamahagi ang 600,000 doses ng bakuna sa iba’t ibang ospital.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page