ni Mylene Alfonso | April 17, 2023
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Commission on Higher Education na tapusin ang reevaluation ng 83 maritime schools sa bansa sa loob ng dalawang taon.
Ito ang inihayag ni CHED chairman Prospero de Vera III sa isinagawang pulong sa Palasyo noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni De Vera na nangako ang CHED na muling bubusisiin ang mga maritime schools para suriin ang kanilang standard compliance kaugnay ng patuloy na pagkilala ng European Union (EU) sa mga certificate na iniisyu ng Pilipinas para sa mga maritime.
Aniya, target ng CHED na suriin ang 30 maritime schools kada taon, ngunit nais ng Pangulo na dagdagan ang bilang upang paikliin ang panahon ng pagsusuri.
“Ang timetable na ating ipinangako sa kanila ay makakapag-evaluate tayo ng 30 schools per year. Medyo mabigat na ‘yan… pero ang sabi ng Pangulo, baka pwedeng dagdagan ang ating ma-evaluate na ‘yung 30 ay baka pwedeng 40 per year,” wika ni De Vera.
“Imbes na tatlong taon ‘yung aabutin, baka dalawang taon, pwedeng gawin. ‘Yan ang utos ng Pangulo, na ‘yung ipinangako nating timetable baka pwedeng ma-complete natin nang mas maaga,” pahayag pa niya.
Binangit ni De Vera na 15 maritime programs ang isinara noong nakaraang taon dahil sa hindi pagsunod sa mga pamantayan.
Nauna nang nagpahayag ang CHED ng kahandaang makipag-ugnayan sa mga maritime school at Maritime Industry Authority (MARINA) para ipatupad ang mga repormang iminungkahi ng EU upang matiyak na ang mga Filipino seafarer ay maaaring magpatuloy sa pagtatrabaho sa mga foreign vessels.
Matatandaang nagbabala ang EU na maaaring i-ban ang mga Filipino maritime worker sa mga sasakyang pandagat nito matapos mabigo ang Pilipinas sa pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa nakalipas na 16 na taon.