top of page
Search

ni Lolet Abania | March 22, 2021




Tatlumpu’t apat na frontline health workers sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina ang naitalang infected ng COVID-19. Ang mga health workers, na kasalukuyang na-confine na sa COVID-19 wards ng nasabing ospital, ay nakatanggap na ng isang dose ng vaccines kontra sa naturang respiratory disease.


Ayon kay Dr. Blandina Trinidad Ferrera, ang deputy chief ng Medical Professional Staff ng ospital, labis siyang naalarma sa kanilang mga empleyado na tinamaan ng coronavirus dahil nagsisimula pa lamang silang mag-record ng pagtaas ng mga kaso sa mga frontline workers ngayong Marso.


"Dati-dati for a while, kahit isa in ten days, wala kaming kaso ng COVID. Nu'ng mid-March , last week actually, nag-start siyang tumaas nang tumaas," ani Ferrera.


Ang ospital na ito ng Marikina na may 95 COVID-19 beds ay nasa full capacity na sa ngayon. Iminungkahi naman ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na lahat ng local government units (LGUs) ay dapat na magkaroon ng tally para sa mga bakanteng kama na maaaring gamitin sa COVID-19 patients.


"Para sa ganoon, kung may pasyenteng dapat i-transport o idala sa ospital, alam natin kung saan siya dadalhin," sabi ni Teodoro.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 1, 2021





Mahigit 1,500 healthcare workers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City ang nakatakdang mabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccines bukas, Marso 2, ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.


Pero batay sa ulat, umatras magpabakuna ang 55 healthcare workers sa lungsod sapagkat anila ay gusto nila ang mas mataas na efficacy rate ng bakuna, na kaagad namang naunawaan ng alkalde.


“Sinabi ko nga ru’n sa ospital namin dito, ‘yung Amang Rodriguez Medical Center, eh, ‘yung 55 na tumanggi para maturukan ngayon ay isama ru’n sa susunod na ano na listahan, hangga’t maaaring makatanggap ng ibang brand ng bakuna na maaaring maging available sa mga darating na araw,” pahayag ni Mayor Teodoro.


Giit pa niya, hindi dapat mabahala ang mga umatras na healthcare workers dahil hindi sila mapaparusahan.


“Dito sa Marikina, nakikipag-ugnayan kaming mabuti ru’n sa aming medical director. Pero nababalitaan ko nga sa ibang ospital, parang mayroong pananakot at mayroong parang panggigipit na ginagawa na sinasabing hindi sila maisasama ru’n sa priority list na gagawin. Pero ito’y mali. Hindi tama. Mabuti na malinaw natin itong masabi sa mga kababayan natin.”


Dagdag niya, dapat lamang maibigay sa mga healthcare workers ang bakunang may pinakamataas na efficacy rate dahil sila ang pananggalang ng mga mamamayan laban sa COVID-19.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 17, 2020




Ipinanawagan ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa national government na magsagawa ng rehabilitasyon sa Marikina Watershed matapos ang matinding pagbaha na dulot ng Bagyong Ulysses, gayundin ang pagpapatigil sa quarrying.


Pahayag ni Teodoro, “I think we should seriously look into this matter and laws should be properly implemented.


“Quarrying activities in the upstream area at the Marikina River should also be stopped at least at this point in time and be properly regulated.”


Aniya pa, “The utilization of funds should be diverted for mitigation and preparedness, not simply for relief and rehabilitation.”


Nais din ni Teodoro na magkaroon ng programa ang pamahalaan kaugnay ng epekto ng climate change.


Aniya, “We should address this issue now. Not rhetorically or mere pronouncement but there should be a statutory framework that would comply everybody to provide programs and activities to address the effects of climate change.”


Ang river system sa buong Luzon umano ang kailangang isailalim sa rehabilitasyon upang maiwasan ang matinding pagbaha.


Aniya, “Our call really is for an integrated approach. A whole of government approach so we could effectively collaborate and address the problems brought about by climate change.”


Samantala, humingi rin ng tulong si Teodoro para sa pag-ayos at pagtayo ng bahay ng mga naapektuhan ng Bagyong Ulysses.


Aniya, “Ngayon, nakikita na namin ang extent ng damage ng bagyo, we are now requesting for housing materials for those affected and if there will be some volunteers who would like to help, puwede siguro in house rebuilding.


"Ang iba naman totally, dahil light materials 'yung kanilang bahay, inanod at nasira, wala na silang bahay na babalikan."


Tinatayang aabot pa sa 3,880 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers matapos malubog sa putik ang kanilang mga bahay.


Trabaho rin para sa mga residente ng Marikina ang isa pa sa mga panawagan ni Teodoro.


Aniya, “Isang panawagan din namin sa mga employer, maliban doon sa mga itinutulong na mga relief goods, nakakatulong po 'yun sa ngayon, pero ang kailangan po ng aming mga kababayan ay trabaho.


“Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagbigay ng mga emergency employment, ‘yung mga cash-for-work ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pero ‘yung emergency employment na ‘yun ay para sa sampung araw lamang. Ang trabaho na gagawin ng employed under the program ay maglinis.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page