ni Lolet Abania | July 21, 2021
Umabot sa kabuuang 107,500 marijuana plants na nasa P21.5 milyon halaga ang sinunog matapos ang ikinasang anti-illegal drugs operation ng mga awtoridad sa tatlong lugar sa Kalinga.
Sa isang pahayag ngayong Miyerkules ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, ang pagwasak sa tatlong tagong cannabis farms ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng mga kawani ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Eleazar, nadiskubre ang tatlong cannabis farms sa Barangay Loccong sa Tinglayan, Kalinga. Subalit, wala silang nahuling cultivator ng marijuana plants nang isagawa ang operasyon.
Sa unang site, tinatayang nasa 2,500 sq. m. ang land area nito, kung saan humigit-kumulang sa 37,500 full grown marijuana plants (FGMP) na nagkakahalaga ng P7.5 milyon ang kanilang binunot saka sinunog.
Ang ikalawang site ay mayroong 1,500 sq. m. area, na humigit-kumulang sa 30,000 FGMP na halagang P6 milyon ang winasak ng mga awtoridad. Habang ang ikatlong site na may 2,000 sq. m. area, humigit-kumulang sa 40,000 FGMJP na nasa P8 milyon halaga ang kanilang sinira.
Tiniyak naman ni Eleazar sa publiko na patuloy ang programa ng PNP na Intensified Cleanliness Policy laban sa mga sangkot sa ilegal na droga. “Ang mga impormasyon na inyong ipinapaabot sa aming tanggapan ay mahalaga at malaking tulong upang mas lalong mapabilis ang ating pagsasagawa ng operasyon ng ating mga operatiba,” ani Eleazar.