ni Lolet Abania | March 2, 2021
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na sibakin sa puwesto ang dating embahador ng Pilipinas sa Brazil na nahuli-cam sa pananakit sa kanyang kasambahay.
Sa naganap na televised address ni Pangulong Duterte ngayong Lunes, binanggit nitong kanselado na ang eligibility ni Marichu Mauro bilang opisyal ng pamahalaan.
Walang matatanggap na retirement benefits si Mauro kahit na siya ay isang opisyal.
Gayundin, hindi na siya maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi na papayagang kumuha ng civil service examination.
Mula noong Marso, 2016, naging kinatawan ng Pilipinas sa Brazil si Mauro at naitalaga sa serbisyo sa foreign service mula noong Pebrero, 1995.
Matatandaang noong Oktubre 2020, pinauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa bansa si Mauro matapos na lumabas sa mga report ang video ng pagmamaltrato niya sa kanyang kababayang kasambahay.
Gayunman, ayon sa DFA, unang pinauwi sa bansa ang kanyang kasambahay habang tinutulungan ito ng non-profit OFW group na Blas F. Ople Policy Center para sa legal at livelihood assistance.
Una nang tiniyak ni DFA Secretary Teodoro Locsin na tututukan nila ang kaso ni Mauro at hindi nila ito bibitawan upang maipatupad ang batas na nararapat para rito.