ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 9, 2024
Photo: Nadine Samonte at Marian Rivera - Instagram
Halos maiyak sa tuwa si Nadine Samonte nang matanggap ang padalang Pop Mart Doll mula kay Marian Rivera.
Isang malaking Angel in the Cloud Labubu doll na nagkakahalaga ng higit sa P50K at may personal na dedication mula kay Marian ang ipinadala kay Nadine.
Matatandaan na naging magkaibigan sila ni Marian nang magkasama sa seryeng Super Twins (ST) ng GMA-7, kung saan si Marian ang gumanap na nanay nina Nadine at Jennylyn Mercado.
At kahit may mga issues noon si Marian, ayos pa rin ang kanilang samahan at napatunayan niyang magkaibigan sila ni Nadine at hindi sila nag-aagawan sa mga Labubu dolls.
Siguro naman, matitigil na ang pamba-bash kay Nadine Samonte dahil mismong si Marian Rivera na ang nagpapatunay na magkaibigan sila.
Mga starlet at movie produ ang target…
BAGUHANG DIREKTOR, NAMIMIGAY NG MGA IMBENTONG AWARDS PARA KUMITA
BLIND ITEM:
IBANG klase ang raket ngayon ng isang hindi kasikatang direktor. Palibhasa'y wala siyang mga movie projects na ginagawa, naisipan niyang magbigay ng mga “imbentong” awards sa mga baguhang artista at movie producers na willing magbayad para lang makakuha ng award.
Hindi naman nagtanong o nagduda ang mga binibigyan ng award kung legit at rehistrado ba ang mga ibinibigay nito.
Target ng hindi sikat na direktor ang mga baguhang artista at movie producers na handang magbayad para magka-award lang.
Bukod sa pagbibigay ng mga imbentong awards, nangongontrata rin siya ng mga shows sa mga probinsiya. Kumukuha siya ng mga artistang jobless at pinapangakuan ng malaking talent fee (TF), pero pagkatapos ng show at nakuha na ang bayad, halos kalahati ng TF ng mga artista ang kinakaltas niya.
Kaya naman sira na ang imahe ng direktor sa ibang mga artista, bistado na kasi ang raket niya. Mas malaki pa ang kita ng nasabing direktor kaysa sa mga artistang napapagod sa mga out-of-town shows.
Sey ng mga nabiktima ng direktor, “May karmang katapat ang panloloko ni direk!”
After umamin sa relasyon… PAG-AMIN NINA COCO AT JULIA SA MGA ANAK NILA, INAABANGAN
NGAYONG inamin na ni Coco Martin na 'katuwang' niya sa buhay na nagmamahal sa kanya si Julia Montes, ang next na inaabangan ng lahat ay ang pag-amin nilang kasal na sila at may tatlo nang anak.
Ilang taon na ring usap-usapan ang relasyong Coco at Julia pero talagang tahimik ang dalawa at pangiti-ngiti lang tuwing inuurirat sa kanilang love life, bagama't ang mga malalapit na kaibigan at katrabaho nila ay alam na alam ang tunay na namamagitan sa dalawa.
Ang ipinagtataka lang ng mga fans nina Coco at Julia, paano nagiging normal ang buhay ng mga anak nila kung totoo mang hindi nila inilalabas ang mga bata para maitago mula sa mata ng publiko?
Naka-homeschooling ba ang mga ito? Paano ipinapasyal nina Coco at Julia ang mga bata para magkaroon ng normal na childhood?
At kung sakaling nagkakasakit ang mga bata, ang doktor din ba ang pumupunta sa bahay nila?
Well, masasagot lang ang tanong ng bayan kapag finally ay sina Coco at Julia na ang mismong nagsalita at kumumpirma ng matagal nang haka-haka ng taumbayan.
Gusto ng parents na maging lawyer…
VICE, YUMAMAN NANG TODO SA PAGIGING COMEDIAN
PANGARAP noon ng mga magulang ni Vice Ganda na maging abogado siya, pero sa showbiz nga luminya si Vice at dito siya sumikat nang husto.
Abogado raw kasi noon ang lolo ni Vice at ang tatay niya ay sinubukang mag-aral upang maging abogado.
Hindi man naging lawyer si Vice, malayo naman ang narating niya at nakapagpundar ng maraming properties. Siya na rin ang tumatayong mentor ng mga baguhang stand-up comedians na nangangarap ding mapansin at mabigyan ng break.
May ilang artista ring malalapit kay Vice Ganda tulad nina Ryan Bang at Awra Briguela na itinuring niyang mga anak-anakan. Nagtayo pa siya ng comedy bar upang bigyan ng break ang mga aspiring comedians.
Araw-araw na nagho-host si Vice Ganda sa It's Showtime (IS) at natapos pa niya ang pelikulang entry sa MMFF 2024, ang And The Breadwinner Is.
Nasa peak ng kanyang tagumpay sa career si Vice Ganda ngayon. Isa rin siya sa Top 10 highest-earning showbiz personalities at masaya siya sa kanyang love life.
Ano nga ba ang legacy na maiiwan ni Vice Ganda sa showbiz sakaling magretiro siya? Meron kaya?