ni Lolet Abania | June 13, 2022
Posibleng itaas ng gobyerno ang alert level status sa bansa sa Alert Level 2, kapag ang mga COVID-19 cases na naitatala ay patuloy na tataas, ayon Department of Health (DOH) ngayong Lunes.
Nananatili pang nasa ilalim ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1, ang pinakamababa sa alert level system, hanggang Hunyo 15. “The possibility would always be there ‘pag nagtuloy-tuloy po ang mga kaso,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang radio interview.
Sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan ang partikular na establisimyento at aktibidad ng 50% capacity indoors para sa fully vaccinated adults (at minors, kahit ‘di pa bakunado), at 70% capacity outdoors. Nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 308 bagong COVID-19 cases, ang highest tally ng mga bagong kaso na nai-record simula Abril 20.
Ayon sa DOH, apat na magkakasunod na araw na ang bilang ng bagong COVID-19 cases kada araw ay mataas sa 250. Subalit, una nang sinabi ni Vergeire na ang bahagyang pagtaas ng kaso na naiulat nitong nakalipas na mga linggo ay hindi naman na-sustain.
“Pero ang kailangan po maintindihan ng ating mga kababayan, we are learning to live with the virus. Alam po natin hindi aalis ang virus na ito. It will stay with us,” sabi pa ni Vergeire. Ang mga mild at asymptomatic cases giit niya ay katanggap-tanggap o “acceptable.”
Ayon kay Vergeire, 14 mula sa 17 lugar sa Metro Manila ay nagpakita ng pagtaas ng mga kaso. “Ang pinakaimportante, hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and critical na mga kaso at hindi pa din nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital by observing kung meron man increase of admission,” saad ni Vergeire.
Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng DOH na ang escalation ng alert level ay nakadepende sa metrics ng Alert Level System.
“The possibility of escalation of the Alert Level is dependent on the metrics of our Alert Level System in accordance with the IATF Guidelines,” ani DOH. “The DOH is continuously monitoring all these metrics,” dagdag pa ng ahensiya.