top of page
Search

ni MC @Sports | June 19, 2024



Mika De Guzman - Badminton

Patuloy na umaasang buhay ang dugo ng Southeast Asian Games champ na si Kristina Knott lalo na sa pagsabak niya sa 2024 Paris Olympics makaraang masungkit ang gold medal sa women's 100-meter dash sa  2024 Harry Jerome Track Classic sa Burnaby, Canada.


Tinapos ni Knott ang takbo sa 11.64 segundo para manguna sa karera.


Tumapos namang silver si Canadian Victoria McIntyre nang maorasan ng 11.94s, habang si Zion Corrales Nelson ang naka-bronze medal sa oras na 11.94s.


Samantala sa  200m category, naging mabagal ang Filipina American nang malagay lamang si Knott sa third place finish sa timing na 23.42s.


Dinomina ng dalawang pambato ng Canada ang karera: sina Zoe Sharar (23.14s) at Jacqueline Madogo (23.20s) ang kapwa naka-gold at silver medals, ayon sa pagkakasunod.


Kailangan ni Knott na magkuwalipika sa Olympic standard na 22.57s sa 200m run para matiyak na magkatiket sa Paris.


Sa ilang araw na nalalapit bago ang Olympics, tinutumbok ni Knott na makatipon ng mas marami pang puntos para magkaroon ng slot sa women's 200m category.


Kilala si Knott sa pagwawasak ng records makaraang tumapos sa 11.2 seconds sa 100m dash sa ICTSI Philippine Athletics Championships 2024.


Naitatak niya ang kanyang tikas sa  Drake Blue Oval Showcase sa USA nang magtala ng national record na 11.27s noong Agosto 2020.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2024



Sports Photo

Matapos ang mainit na pagtanggap sa Fire Run, susunod ang ikalawang yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan 2024 na Water Run ngayong Hulyo 14 sa CCP Complex, Pasay City. Titingnan kung mahihigitan ang 4,500 na tumakbo noong unang serye. 


Tiyak na maraming babalik upang makamit ang 2nd medal na maaaring idugtong para makabuo ng malaking medalya sa katapusan ng serye. Malaking pagkakaiba ito noong 2023 kung saan 2,700 lang ang nagpalista sa Fire Run.


Magpapabilisan ang lahat sa pangunahing kategorya na 18 km. Magkakaroon pa rin ng ibang patakbo sa 10, 5 at 1 km. Ginaganap na ang pagpapalista online sa Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan. Maaari ring magrehistro sa mga piling sangay ng Chris Sports. 


Ayon kay Jenny Lumba ng Green Media Events, bahagi ng malilikom na pondo ng Water Run ay mapupunta sa Pawicare sa San Narciso, Zambales na ang layunin ay maparami at alagaan ang mga Pawikan. Isang linggo bago ang karera ay nakahanda nang ibigay ang P50,000 sa Hulyo 6 sa benepisyaryo.


Isa pang tutulungan ng Water Run ay ang Home For The Golden Gays sa Pasay. Ibinibenta ang mga damit mula sa Running Divas Manila Pride Run na hindi natuloy noong 2020 bunga ng pandemya. 


Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024. Asahan na muling maghahatid-saya ang makulit pero cute na si Bulgarito sa Water Run. 


Susundan ang Water Run ng Air Run na Half-Marathon o 21.1 km sa Set. 22.  Ang ika-4 at huling yugto ay ang Earth Run sa Nob.17 tampok ang 25 km. Samantala, ang pagmamahal sa Inang Kalikasan ay dadalhin sa mas mataas na antas sa paghatid ng Tough Mudder Phls. sa Set.14 sa Rosario, Batangas. Malulublob sa putikan ang mga kalahok sa karera tampok ang 15 obstacle. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024



Sports Photo

Umani muli ng kampeonato si Welfred Esporma sa pinakaunang edisyon ng Nueva Ecija Marathon Linggo ng umaga sa Bypass Road ng Bayan ng Guimba. Tinapos ni Esporma ang 42.195 kilometrong karera sa oras na 2:51:00 at iniwan ang mga humahabol sa isa pang dominanteng takbuhan. 


Malayong pangalawa si Jade Sagadraca sa 3:04:00 at pangatlo si Requi Trupa sa 3:07:00. Mula Guimba ay tumuloy at umikot sa Bayan ng Cuyapo bago bumalik ng Guimba. 


Nanaig sa panig ng kababaihan ang isa pang beterana Lany Cardona-Adaoag sa photo finish laban kay Rocel Galicia Maestro kung saan pareho silang nagsumite ng parehong oras na 3:41:00. Pangatlo si Bhei Samson sa 3:46:00.


Sa mga side events, wagi sa Half-Marathon si Jackson Chirchir ng Kenya na kinailangan din ang photo finish kontra ka Lowegene Aliligay na parehong tinapos sa 1:16:00 ang 21.1 kilometro. Si John Paul Carreon ang pumangatlo sa 1:19:00. 


Napunta ang kampeonato ng kababaihan kay Joselyn Elejera sa 1:37:00. Sinamahan siya sa entablado ng pumangalawang Vernessa Pattison (1:39:00) at Beverlie Parale (1:43:00). 


Ang iba pang mga nagsipagwagi ay sina Collins Prago at Ailen Manansala sa 10 km. Panalo sa 5km sina Jaymark Quitan at Jonalyn Argamaso Unlayao. 


Noong Sabado ng gabi ay sinimulan na ang selebrasyon sa isang “warm up” na 5 km fun run, konsiyerto at mga paputok. May virtual race din para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng karera. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page