top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | July 12, 2024



Sports News

Itinakbo ng Lapu-Lapu City runner na si Asia Paraase ang kauna-unahang gintong medalya sa 2024 edisyon ng Palarong Pambansa matapos manguna sa 3000m secondary girls event, habang winasak ni Jyane Kirt Cantor ng Central Luzon ang elementary boys Long Jump kahapon sa Cebu City Sports Center. 


Pinagsumikapang maabot ng Pajo National High School student-athlete ang unang gold sa oras na 10:27.36 minuto para sa Region VII, habang sumegunda si Chrishia Mae Tajarros ng Region VIII sa 10:39.72 at pumangatlo si Mary Jane Pagayon ng Region XI  (10:52.72).


Masaya po ako kasi pride na rin po ito ng Central Visayas. Payback na rin po para sa preparation nila. Masaya rin po kasi hindi lang din po kasi ito para sa akin kundi pati na rin po sa teammates ko,” pahayag ni Paraase, na nagsimulang tumakbo noong Grade 6, kung saan ito ang ikalawang sabak sa Palaro. “Dine-dedicate ko po ito sa sarili ko. Ang dami pong challenges na hinarap, nawawalan na rin po ako ng hope sa sarili ko. Ang saya ko po dahil nagawan ko ng paraan para hindi ako kainin ng kaba at takot.”


Tinalon naman ng Nueva Ecijano trackster na si Cantor ang 6.14 meters upang pagbidahan ang boys long jump at wasakin ang dating rekord na itinala ni Jeremie Tamles ng Davao Region na 6.04 meters noong 2002 Naga edisyon.  


Segunda si Khrispher Kyle Ngirngir ng Region VI sa 5.63meters, sinundan ni Ace Francis Bacongallo ng Region VII sa 5.59m at John Michael Ray Catindoy ng Region II sa 5.58m. Gold medal din sa elementary girls Discus Throw si Ariana Dawn Rabi ng Region I sa 31.21 meters, silver si Precious Rhoevie Andres ng Region II sa 31.14 meters at bronze si Sam Garcia ng Region IV-A sa 28.76 meters.   

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 27, 2024



Sports News

Matapang na sabay-sabay ihahayag ng mga mananakbo ang pagmamahal sa bayan sa “Takbo Para Sa West Philippine Sea,” ang pinakabagong serye ng karera na may ipinaglalaban na adbokasiya. Tutulak ang unang karera ngayong Hulyo 7 sa Mall of Asia at susundan ng iba pang yugto sa buong kapuluan. 


Maaaring tumakbo ng 16, 10, lima o 2 kilometro at ginaganap na ang pagpalista online sa Race Roster. Tiyak na aabangan ang kakaibang medalya na hugis angkla para sa lahat ng mga magtatapos. Pagkatapos ng karera sa MOA ay susunod ang sa SM Seaside Cebu sa Agosto 11. Wawakasan ang serye sa Limketkai Cagayan de Oro sa Setyembre 8. 


Isa sa pangunahing layunin ng serye ay magbahagi ng kaalaman tungkol sa usapin sa karagatan. Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga proyektong pang-edukasyon tungkol sa West Philippine Sea. Maliban sa mga kinagawiang makikita sa mga fun run, magkakaroon ng mga palabas na inaasahang pupukaw ng damdaming makabayan ng mga nandoon. Ipakikita rin ang ilang kagamitan na ginagamit sa pagbantay ng yaman-dagat ng Pilipinas. 


Ang “Takbo Para Sa West Philippine Sea” ay hatid ng Philippine Coast Guard kasama ang Runrio ni Coach Rio dela Cruz. Kasama rin ang Task Force On The West Philippine Sea at Philippine Information Agency. 


Abangan din ang iba pang handog ng Runrio tulad ng Tzu Chi Charity Run For Education sa Hulyo 21 sa UP-Diliman. Gumugulong din buong taon ang mga patakbo sa HOKA Trilogy Run Asia at MILO Marathon sa lahat ng sulok ng kapuluan. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2024



Sports News

Naging tama ang desisyon ng beteranong manakbong si Richard Salano at kinoronahan siyang kampeon ng Gatorade Manila Half-Marathon kahapon sa Mall of Asia. Ang nasabing 21.1 kilometrong karera ay nagsilbi rin bilang patikim para sa mas malaking Philippine Half-Marathon Series sa 2025. 


Nakarehistro na ako pero naisip ko na linggo-linggo na ako tumatakbo at kailangan ko magpahinga,” kuwento ni Salano matapos umoras ng 1:11:23 para sa dagdagan ng isa pang tropeo ang kanyang koleksiyon. “Sa huli nagpasya ako na tumuloy.” 


Buong karera ay nagbantayan sina Salano at ang pumangalawang si Dickyias Mendioro na umoras na 1:11:44 o 21 segundo lang ang agwat. Pagdating sa huling u-turn sa Seaside Boulevard ay humataw si Salano at iniwan si Mendioro habang malayong pangatlo si James Kevin Cruz na 1:16:26. 


Walang nakasabay kay Nhea Ann Barcena sa panig ng kababaihan at kampeon siya sa 1:28:18 at pinaglabanan na lang ang 2nd place nina Maria Joanna Una Abutas (1:32:25) at Mea Gey Ninura (1:37:52). Sinariwa niya ang ala-ala ng isa pang karera na inorganisa ng Runrio noong 2016 kung saan ang siya naging pangkalahatang pinakamabilis – babae o lalake – sa espesyal na  distansyang 22 kilometro. 


Sa iba pang kategorya, nanaig si SEA Games Triathlon gold medalist Kim Mangrobang sa 10 km sa oras na 41:44. Si James Darrel Orduna ang kampeon sa kalalakihan sa 33:45. Sa 5km wagi si Cavin Vidal (17:04). Pinakamabilis sa kabaihan si Joneza Mie Sustituedo (20:50). 


Inanyayahan ni Coach Rio dela Cruz ang lahat na sumali sa Gatorade Manila Marathon sa Okt. 6. Sa 2025 ay maghihiwalay ang dalawang karera at ang Half-Marathon ay magiging bahagi ng serye na iikot sa siyam na iba pang lugar Baguio, Imus, New Clark, Legazpi, Cebu, Iloilo, Dapitan, Davao at Cagayan de Oro.  

 
 
RECOMMENDED
bottom of page