ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2024
Matapos ang mainit na pagtanggap sa Fire Run, susunod ang ikalawang yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan 2024 na Water Run ngayong Hulyo 14 sa CCP Complex, Pasay City. Titingnan kung mahihigitan ang 4,500 na tumakbo noong unang serye.
Tiyak na maraming babalik upang makamit ang 2nd medal na maaaring idugtong para makabuo ng malaking medalya sa katapusan ng serye. Malaking pagkakaiba ito noong 2023 kung saan 2,700 lang ang nagpalista sa Fire Run.
Magpapabilisan ang lahat sa pangunahing kategorya na 18 km. Magkakaroon pa rin ng ibang patakbo sa 10, 5 at 1 km. Ginaganap na ang pagpapalista online sa Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan. Maaari ring magrehistro sa mga piling sangay ng Chris Sports.
Ayon kay Jenny Lumba ng Green Media Events, bahagi ng malilikom na pondo ng Water Run ay mapupunta sa Pawicare sa San Narciso, Zambales na ang layunin ay maparami at alagaan ang mga Pawikan. Isang linggo bago ang karera ay nakahanda nang ibigay ang P50,000 sa Hulyo 6 sa benepisyaryo.
Isa pang tutulungan ng Water Run ay ang Home For The Golden Gays sa Pasay. Ibinibenta ang mga damit mula sa Running Divas Manila Pride Run na hindi natuloy noong 2020 bunga ng pandemya.
Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024. Asahan na muling maghahatid-saya ang makulit pero cute na si Bulgarito sa Water Run.
Susundan ang Water Run ng Air Run na Half-Marathon o 21.1 km sa Set. 22. Ang ika-4 at huling yugto ay ang Earth Run sa Nob.17 tampok ang 25 km. Samantala, ang pagmamahal sa Inang Kalikasan ay dadalhin sa mas mataas na antas sa paghatid ng Tough Mudder Phls. sa Set.14 sa Rosario, Batangas. Malulublob sa putikan ang mga kalahok sa karera tampok ang 15 obstacle.