top of page
Search

ni MC @Sports News | Oct. 25, 2024



Nangunguna si MTB standout John Andre Aguja (dulong kaliwa) ng Go For Gold Cycling Team sa men’s junior MTB category ng Go For Gold Criterium Race Series 3. Naroon din sa award ceremony si Go For Gold founder Jeremy Go (nakatayo, dulong kaliwa. Photo: (G4Gpix)


Pinagharian ni Aidan James Mendoza ang makasabog-bagang madulas na ruta para kunin ang men’s elite title ng Go For Gold Criterium Race Series 3 na idinaos sa General Santos City. Ang matapang na sprinter ng Go For Gold Continental Cycling Team ay agad kumalas sa peloton bagamat kasagsagan ng malakas na ulan hanggang sa unahan ang isa pang sprinter na si Jun Rey Navarra sa makapigil-hiningang pagtatapos.


Pumangatlo si Marc Ryan Lago, isa ring Go For Gold Continental Cycling Team standout, 4 na segundo ang agwat sa kampeon na nakatawid sa meta, kaya doble ang selebrasyon ng squad sa podium.


"Masarap ang pakiramdam na naipanalo namin itong karera para sa Go For Gold,’’ sabi ni Mendoza nang maorasan ng 45 minutes at 56 seconds at makumpleto ang 1.4-kilometer loop sa harap ng city hall kung saan 40 minutong inikutan ng peloton sa dagdag na 3 laps.


"Sa umpisa pa lang alam kong magiging mahirap kaya ginawan ko agad ng paraan para kumawala,’’ dagdag ng 25-anyos na multiple podium finisher sa international races, kabilang na ang katatapos na 3rd place sa Tour of Thailand.


Ipinagmalaki rin ang MTB junior rider na si John Andre Aguja ng Go For Gold nang kunin ang MTB junior men’s crown habang si Kate Yasmin Velasco ng Standard Insurance ay nagreyna sa women’s open matapos ang 25 minutes plus three laps race.


"Our races are organized to give more opportunities for our local riders. For sure we will have more legs next year where we can hopefully find more upcoming cyclists,’’ ani Go For Gold founder Jeremy Go.


Nanguna rin si Go For Gold’s Marvin Mandac sa men’s junior race sa loob ng 20 minutes at 47 seconds, tinalo si teammates Aguja (10 seconds na kabuntot) at Justhene Navaluna na may agwat na 12 seconds. Magilas si Kathlene Dela Vega sa women’s junior division sa kanyang high-speed finish.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 23, 2024



Pagtulong para sa pagpapasigla muli ng mga kagubatan sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila ang ikinasa ni Ms. Jenny Lumba (gitna) ng Green Media Events bago idaos ang Earth Run sa huling yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan sa Nobyembre 17 sa CCP kung saan una na silang nakapagtanim ng 1,000 puno sa Tanay, Rizal ng Haribon Foundation at nasundan ng P50,000 na donasyon sa Million Trees Foundation sa La Mesa Watershed sa Lagro, Quezon City. Official media partner ang BULGAR sa TPSK. (TPSKfbpix)


Kasado na ang Earth Run, ang huling yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan ngayong Nobyembre 17 sa Cultural Center of the Philippines. Matapos ang unang tatlong yugto, ito na rin ang selebrasyon ng isang buong taong pagpapakita ng malasakit para sa Inang Kalikasan.


Tampok ngayon ang karera sa 25 kilometro. Ang mga nakatapos ng 16 sa Fire Run, 18 sa Water Run at 21 sa Air Run ay tiyak na mag-uunahan para mabuo ang malaking medalya gamit ang apat na medalya.


Pangunahing layunin ng Earth Run ang makapagtanim ng 1,000 puno sa Tanay, Rizal. Napili muling tulungan ang Haribon Foundation na isa sa kanilang proyekto ang pagbuhay muli ng mga kagubatan.


Maliban sa 25 ay may mga karera din sa 10, 5 at 1 kilometro. Ginaganap na ang pagpapalista sa mga piling sangay ng Chris Sports at maaaring dumalaw sa opisyal na Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan para magpalista online. Magkakaroon pa rin ng Virtual Run para sa mga hindi makakapunta sa CCP sa araw mismo ng fun run.


Ang mga magtatapos sa Virtual Run ay makakatanggap ng parehong medalya at t-shirt sa mga tumakbo sa karera mismo. Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng Earth Run at ng buong serye. Abangan muli ang makulit pero cute na si Bulgarito na magbibigay ng regalo sa mga masuwerteng mga ka-BULGAR.


Samantala, ipinakilala ng Green Media Events na pinangangasiwaan ang Takbo Para Sa Kalikasan ang kanilang unang patakbo sa bagong taon na pagbabalik ng APO Half Marathon sa Pebrero 23, 2025 sa Mall of Asia.


May pamagat ngayon na “Race To Reforest”, ang pangunahing tutulungan ay ang Million Trees Foundation. Ang mga kategorya ay 21, 10 at limang kilometro. Maaaring bumisita sa Facebook ng Green Media Events o APO Half Marathon para sa karagdagang detalye, katanungan at pagpapalista.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 11, 2024



Photo: Alyssa Valdez


Gusto ba ninyong makasabay tumakbo si volleyball superstar Alyssa Valdez? Gaganapin ngayong Okt. 12 ang LIFEST: InsuRUNce Ready, Set, Glow Night Run 2024 handog ng Life Underwriters Association of the Philippines (LUAP) katuwang ang Insurance Commission sa Robinsons Bridgetown, Pasig City simula 5:00 ng hapon. 


Ang mga distansya ay 10, 5 at 3 kilometro. Gagawaran ng medalya ang unang tatlo ng lalake at babae sa bawat kategorya at kikilalanin din ang pinakamatandang tatakbo. Magkakaroon din ng hiwalay na mga espesyal na karera na isang kilometro para sa mga kabataan at mga alagang aso. 


Bibigyan ng gantimpala ang mga pinaka-glamoroso at pinakabonggang aso. Habang tumatakbo ay mababalot ang gabi ng makukulay na ilaw. Aaliwin din ang lahat ng musika.


Maaari pang humabol sa pagpapalista online sa Race Yaya.  Maliban sa damit at numero ay may kasamang makulay na medyas. Maliban kay Valdez may ilang mga sikat na atleta at artista ang naimbita para lumahok. Ang taunang fun run ay para ipaalam sa lahat ang kahalagahan ng insurance. 


Ang InsuRUNce ay nasa pangangasiwa ng EdObee Sports. Sundan sila sa Facebook upang malaman ang iba pa nilang mga paparating na fun run at iba pang palaro.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page