ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 23, 2024
Pagtulong para sa pagpapasigla muli ng mga kagubatan sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila ang ikinasa ni Ms. Jenny Lumba (gitna) ng Green Media Events bago idaos ang Earth Run sa huling yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan sa Nobyembre 17 sa CCP kung saan una na silang nakapagtanim ng 1,000 puno sa Tanay, Rizal ng Haribon Foundation at nasundan ng P50,000 na donasyon sa Million Trees Foundation sa La Mesa Watershed sa Lagro, Quezon City. Official media partner ang BULGAR sa TPSK. (TPSKfbpix)
Kasado na ang Earth Run, ang huling yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan ngayong Nobyembre 17 sa Cultural Center of the Philippines. Matapos ang unang tatlong yugto, ito na rin ang selebrasyon ng isang buong taong pagpapakita ng malasakit para sa Inang Kalikasan.
Tampok ngayon ang karera sa 25 kilometro. Ang mga nakatapos ng 16 sa Fire Run, 18 sa Water Run at 21 sa Air Run ay tiyak na mag-uunahan para mabuo ang malaking medalya gamit ang apat na medalya.
Pangunahing layunin ng Earth Run ang makapagtanim ng 1,000 puno sa Tanay, Rizal. Napili muling tulungan ang Haribon Foundation na isa sa kanilang proyekto ang pagbuhay muli ng mga kagubatan.
Maliban sa 25 ay may mga karera din sa 10, 5 at 1 kilometro. Ginaganap na ang pagpapalista sa mga piling sangay ng Chris Sports at maaaring dumalaw sa opisyal na Facebook ng Takbo Para Sa Kalikasan para magpalista online. Magkakaroon pa rin ng Virtual Run para sa mga hindi makakapunta sa CCP sa araw mismo ng fun run.
Ang mga magtatapos sa Virtual Run ay makakatanggap ng parehong medalya at t-shirt sa mga tumakbo sa karera mismo. Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng Earth Run at ng buong serye. Abangan muli ang makulit pero cute na si Bulgarito na magbibigay ng regalo sa mga masuwerteng mga ka-BULGAR.
Samantala, ipinakilala ng Green Media Events na pinangangasiwaan ang Takbo Para Sa Kalikasan ang kanilang unang patakbo sa bagong taon na pagbabalik ng APO Half Marathon sa Pebrero 23, 2025 sa Mall of Asia.
May pamagat ngayon na “Race To Reforest”, ang pangunahing tutulungan ay ang Million Trees Foundation. Ang mga kategorya ay 21, 10 at limang kilometro. Maaaring bumisita sa Facebook ng Green Media Events o APO Half Marathon para sa karagdagang detalye, katanungan at pagpapalista.