ni Lolet Abania | November 11, 2021
Ipinahayag ni Senador Manny Pacquiao na hindi siya aatras sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa darating na 2022 elections.
“Walang atrasan. Tuloy ang laban,” saad ni Pacquiao sa isang statement na inilabas ngayong Huwebes matapos ang naging meeting niya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Pacquiao, ang pulong nila ng gabing iyon ng Pangulo ay inayos at nabuo ng kanilang common friends at hindi ito isang political meeting.
“Hindi nagbabago ang paninindigan ko sa pagtakbo bilang pangulo. Ipakulong ang mga kawatan at iangat ang buhay ng mga mahihirap nating kababayan,” sabi ng senador.
“Hindi ako trapo mag-isip. Ang panalo ko ang magpapanalo sa buhay ng bawat Pilipino,” dagdag ni Pacquiao.
Bago pa ang pulong, matatandaang nagkaroon ng sigalot sa pagitan nina Pacquiao at ni Pangulong Duterte, kung saan nagkaroon ng isang disagreement o hindi napagkasunduan, na nag-ugat para sa isang faction ng mga miyembro ng PDP-Laban na mag-convene at ilagay si Pangulong Duterte bilang vice presidential candidate ng partido sa 2022 elections.
Dahil dito, tinawag ni Pacquiao ang naturang conventions, na sinuportahan naman ng PDP-Laban chairman na si Pangulong Duterte, na ilegal.
Sinabi rin ni Pacquiao na bigo ang Pangulo, aniya na i-address ang laganap na korupsyon umano sa gobyerno.
Subalit, marami ring ibinatong pahayag sa kanya si Pangulong Duterte, isa na rito ay nang tawagin si Pacquiao ng Pangulo na punchdrunk, na ang tinutukoy nito ay ang istorya ng career ng senador bilang isang multi-titled boxer pero itinuturing naman na lackluster ang karera nito bilang isang legislator.
Samantala, pinatotohanan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang tinuran ni Pacquiao, aniya ang meeting sa pagitan ng Pangulo at ni Pacquiao ay hindi tungkol sa eleksyon sa susunod na taon.
“It was a friendly meeting, a reunion of sorts,” paliwanag ni Roque, nang tanungin kung ang nasabing meeting ay hudyat ng pagkakaisa sa pagitan ng sigalot sa PDP-Laban factions na pinamumunuan ni Pacquiao at ni Pangulong Duterte.
“Let us leave it at that,” sabi pa ni Roque.