ni Jasmin Joy Evangelista | March 15, 2022
Hindi umano naniniwala si presidential candidate Manny Pacquiao sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey kung saan ikaapat lamang siya sa puwesto ng mga nais ng mga Pinoy na maging pangulo, dahil baka raw mayayaman lang ang tinanong sa survey.
Naniniwala si Pacquiao na suportado siya ng mahihirap, lalo na ang mga kabilang sa class D at E.
“Baka ‘yung mga mayayaman lang tinanong nila, hindi nila tinanong yung mga mahihirap na tao. Basta kumpiyansa pa rin ako na ang mahihirap na tao ay sama sama ngayon para magakaroon sila ng importansya at umulad ang kanilang pamumuhay,” pahayag ni Pacquiao sa isang press briefing.
Sinabi rin niya na hindi siya naniniwala sa resulta ng mga survey dahil “mind conditioning” lamang ito at tingin niya ay mayroon siyang chance na manalo sa pagkapangulo.
“Kahit i-zero pa nila ako sa Luzon, Visayas at Mindanao, hindi pa rin ako matitinag. Mind conditioning ‘yan sa taumbayan pero alam ko ang tao ay kailangan nila ‘yung tunay na pagbabago,” ani Pacquiao.
Nagsagawa rin umano ng internal surveys ang kanilang team kung saan ibang-iba raw ito sa inilalabas ng survey firms tulad ng Pulse Asia at Social Weather Stations.
Kampante umano siya dahil sa dami ng kanyang supporters tuwing mayroong campaign rally.
“Hindi lang ang mga mayayaman ang tatanungin natin. Dapat ‘yung mga mahihirap ang tinatanong, yung D, E class kasi sila ang nangangailangan ng tulong, sila ang naiiwan, at sila ang pinakamarami,” aniya pa.