ni Gerard Arce @Sports | June 11, 2024
Magbabalik laban ang nag-iisang eight-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao sa panibagong exhibition match kontra kay Kickboxing at Mixed Martial Arts fighter at RIZIN featherweight champion Chihiro Suzuki sa Hulyo 28 sa 3-round-3-minute bout na gaganapin sa Super Saitama Arena sa Japan.
Planong ipamalas ng tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ ng Pilipinas na pataubin ang mas nakababatang MMA fighter at malupit na kickboxer na hinirang na ika-siyam na pinakamahusay na kickboxer sa buong mundo.
Huling sumabak sa exhibition match si Pacquiao noong Disyembre 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision sa kanilang six round bout, na sinundan naman ng pagpirma ng kasunduan sa kilalang Japanese Promotions na RIZIN MMA para lumaban din sa isang exhibition match, kung saan nakatakda niyang tuparin kontra Suzuki.
“I will do my best to see to this guy what boxing is. I will let him know that boxing is harder than the MMA fight,” pahayag ni Pacquiao ng ianunsyo ang naturang kaganapan kasama si RIZIN FF President Nobuyuki Sakakibahara.
“Thank you for inviting me here tonight and finally next month I bring the fight here in Japan and I hope that everybody will watch the fight. Thank you everyone and thank you to RIZIN…and to all the fans please come and watch this July 28 fight, it’s going to be a good fight and a lot of boxing.”
Matatandang mayroong nakatakdang laban si Pacquiao kay Muay Thai at kickboxing icon na si Sombat “Buakaw” Banchamek sa isang boxing exhibition match na gaganapin sana noong Abril sa Bangkok, Thailand, subalit, walang naging anunsiyo dahil sa hindi pagkakatuloy ng kanilang sagupaan na binansagang “The Match of Legends.”