ni Zel Fernandez | May 2, 2022
Umabot na umano sa 30 milyong indibidwal ang nag-fill out sa pabahay forms ni presidential candidate Manny Pacquiao na bukod sa pangakong pabahay ay nag-aalok din umano ng pangkabuhayan at scholarship sa kanyang mga tagasuporta.
Ayon kay Pacquiao, nasimulan na ang pagpapadala ng mga text messages sa kanyang mga tagasuporta bilang kumpirmasyon ng kanilang pag-fill out sa pabahay forms sa kasagsagan ng eleksiyon.
Bagaman, aminado rin umano si Pacman na may kabagalan ang pagsasagawa ng hakbang ng kanyang kampo para sa naturang proyekto, bunsod ng napakaraming tumatangkilik ng kanyang pabahay form, nanawagan ang presidential candidate sa publiko na itago lamang daw ang natanggap nitong mga ID.
Pahayag ng presidential aspirant sa media briefing nito sa Cagayan De Oro City, ine-encode na aniya ng kanyang kampo sa kanilang database ang pangalan ng bawat residente sa mga lugar na kanilang napuntahan.
Kaugnay nito, kung papalarin umanong manalo sa pagka-pangulo ay target ni Pacquiao na maglaan ng 300 hanggang 400 bilyong pisong budget upang bigyang-katuparan ang adhikaing makapagpatayo ng mga pabahay sa buong bansa.
Samantala, binuweltahan naman nito ang mga nagpapasaring na pinaaasa lamang niya ang mga botante at ang mga pabahay forms ay ginagamit lamang nito upang mangalap ng mga boto ngayong darating na 2022 elections.
Giit ni Pacquiao, bago pa man niya pasukin ang pulitika ay nagsasagawa na aniya siya ng mga housing projects, hindi tulad ng kanyang mga kapwa politiko na hindi naman umano naisasakatuparan ang mga pangako tuwing eleksiyon.