top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 28, 2021



Bukas na muli sa publiko ang Manila Baywalk Dolomite Beach ngayong araw, Disyembre 28, hanggang bukas, Disyembre 29.


Muli itong bubuksan sa January 4, 2022.


May bagong ipinatutupad na sistema kung saan dapat mag-register ng mga bisita sa http://denrncrsys.online para makapasok.


Kailangan magparehistro muna isang araw bago bumisita. Puwede rin ang mga walk-in, pero kailangan nilang sumagot sa mga walk-in forms sa entrance.


Ang mga successful registrants ay makatatanggap ng confirmation email mula sa DENR.


Layon ng online appointment system na ito na maiwasan ang overcrowding sa lugar.


Ipinagbabawal ang pagpasok ng mga batang edad 11 pababa sa dolomite beach.


Ang mga available slot ay ang mga sumusunod:


* 6:30-7:30 a.m.

* 8:00-9:00 a.m.

* 9:30-10:30 a.m.

* 11:00 a.m.-12:00 nn

* 1:30-2:30 p.m.

* 3:00-4:00 p.m.

* 4:30-5:30 p.m.


Para sa mga bibisita, magdala ng vaccination card, magsuot ng face mask, at panatilihin ang social distancing. Bawal magdala ng mga alagang hayop, bawal ang swimming, paninigarilyo, at pagkakalat.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 28, 2021



Babaklasin na ang mga ilegal na fish pen at saprahan sa parte ng Manila Bay sa Cavite City simula Nobyembre 4.


Ito ay upang mabawasan ang polusyon sa dagat sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation na isinasagawa ng gobyerno.


Nagpaskil ng abiso sa 21 ilegal na istruktura ang Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan upang hikayatin ang mga ito na kusang baklasin ang mga fish cage at saprahan hanggang Nobyembre 4.


Ayon sa task force, kung hindi pa aalisin ang mga ito hanggang sa deadline, babaklasin ito sa clearing operations na magsisimula sa araw na iyon.


Ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga fish cage at saprahan nang walang permiso o lisensiya at paggamit ng mga ilegal na kasangkapan para makapangisda.


Binigyan na rin umano ng palugit ng PCG Cavite ang mga mangingisda bilang konsiderasyon sa kanilang kabuhayan ngunit naudlot ang nakatakdang demolisyon sa mga fish cages noong Setyembre kaya minarkahan na muna ng mga awtoridad ang mga ilegal na fish cages sa dagat ng Cavite City, Kawit, at Noveleta.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 28, 2021



Sinibak sa puwesto ang ground commander ng dolomite beach sa Manila Bay kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa lugar, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, papalitan ni Reuel Sorilla si Director Jacob Meimban Jr. bilang ground commander ng dolomite beach.


Si Sorilla ay kasalukuyang Director for the Environmental Law Enforcement and Protection Service ng kagawaran.


Giit ni Cimatu, bilang commander ay responsibilidad ni Meimban na bantayan at siguruhing nasusunod ang minimum health protocols sa lugar ngunit bigo ito matapos dumugin ng mga bumibisita rito.


Matatandaang simula nang buksan sa publiko ang dolomite beach ay hindi napigilan ang pagdagsa ng mga tao dahilan upang hindi na masunod ang safety protocols.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page